Mga paraan para malunasan ang mga sintomas ng alipunga
- BULGAR

- Apr 2, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mahilig akong maglaro ng basketball, ang problema, madalas mangati ang mga daliri ko sa mga paa. Ang sabi ng nanay ko ay baka raw may alipunga ako. Ano ang sanhi at mga sintomas nito bukod sa pangangati ng apektadong daliri? Malinis naman ang aking mga medyas at sapatos. Mayroon ba akong maaaring ipahid dito? — Kit
Sagot
Ang alipunga o athlete’s foot ay uri ng impeksiyon sa balat na nakaaapekto sa mga paa. Ito ay maaari ring dumapo sa mga kamay at kuko. Ang alipunga ay hindi kasing seryoso tulad ng ibang sakit subalit, ito ay napakahirap gamutin. Isa pa, ang alipunga ay lubhang nakahahawa.
Ang alipunga ay tumutubo kapag ang fungus na tinea ay namahay sa mga paa. Maaaring mahawa ng fungus na ito sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa mga taong may alipunga o paghipo sa mga bagay na kontaminado ng fungus. Nabubuhay ang tinea sa lugar o bagay na mainit at mamasa-masa. Ito ay kadalasang matatagpuan sa banyo o swimming pool.
Lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng alipunga ngunit, may kinaugalian ang tao na maaaring magpataas ng posibilidad na makakuha ng alipunga.
Narito ang iba’t ibang sintomas ng alipunga.
• Pangangati at paghapdi sa pagitan ng mga daliri.
• Pangangati at paghapdi sa sakong ng mga paa.
• Pagkakaroon ng makating paltos sa mga paa.
• Pagbibitak-bitak at pangangaliskis ng mga paa, lalo na sa sakong at mga daliri.
• Pagkatuyo ng balat sa may sakong at sa gilid ng mga paa.
• Pagkapal at pagpangit ng kulay ng mga kuko.
• Kusang paghiwalay ng mga kuko sa mga daliri.
Ang doktor ay maaaring makatiyak na may alipunga ang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa mga sintomas na tumama rito. Kung ang mga sintomas ay hindi gaanong malinaw, maaaring sumailalim sa partikular na skin test na kukumpirma kung anong uri ng fungus ang dumapo sa mga paa.
Ang alipunga ay kadalasang nagagamot ng mga over-the-counter na gamot laban sa fungus. Kung ang mga gamot na nabibili sa botika nang walang reseta ay walang epekto sa alipunga, maaaring magreseta ang dokor ng gamot na iniinom para sa alipunga. Ang ganitong mga gamot ay sadyang malakas na pamatay ng mikrobyo at nangangailangan ng reseta para makabili nito.
Narito ang ilang mga paraan ng panlunas sa mga sintomas ng alipunga:
• Nakatutulong ang pagbabad ng mga paa sa tubig na may asin at suka upang matuyo ang apektadong bahagi ng mga paa.
• Maglagay ng ilang hiwa ng bawang sa pagitan ng mga apektadong daliri sa loob ng isang araw.
• Maaari ring kumain ng mga pagkaing mayaman sa bawang.
• Budburan ng baking soda ang mga paa bago magsuot ng medyas sa umaga.
• Maglaga ng apat na onsa ng dahon ng oregano sa tubig na tama lamang para maibabad ang mga paa. Ibabad dito ang mga paa nang dalawa hanggang apat na beses bawat araw.
• Ang paggamit ng virgin coconut oil ay napatunayang mabisang gamot sa alipunga sapagkat ito ay nagtataglay ng antimicrobial properties. Ito ay puwedeng direktang ipahid sa mga paa nang dalawang beses bawat araw, maaari ring gumamit ng luya.





Comments