MAHIHITIK SA AKSIYON ANG NCRAA OPENING SA DASMA
- A. Servinio
- Apr 2, 2019
- 1 min read

MAPUPUNO ng aksiyon ang mga nalalabing buwan ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa pagbukas ng kanilang mga palaro sa Junior Basketball, Volleyball para sa babae at lalake at Beach Volleyball. Unang magbubukas ang Juniors Basketball ngayong araw sa Ugnayang La Salle sa Dasmariñas City tampok ang siyam na koponan.
Hindi lumahok ngayong taon ang nagharap para sa kampeonato noong 25th NCRAA, ang AMA University at New Era University. Dahil dito, mahirap pumili kung sino sa St. Francis of Assisi College, Asian Institute of Maritime Studies, Emilio Aguinaldo College-Cavite, Philippine Merchant Marine School at Pasig Catholic College sa Grupo A at National College of Business and Arts, De La Salle University-Dasmariñas, Immaculada Concepcion College at Lyceum of the Philippines University-Laguna sa Grupo B ang mananaig.
Samantala, sisikapin ng NCBA na manatili sa kanilang kamay ang kampeonato sa Women’s Volleyball na nakatakdang magsimula sa Abril 16. Hahamunin ang Lady Wildcats ng 11 iba pang paaralan na hinati sa dalawang grupo. Pamumunuan ng NCBA ang Grupo A kasama ang Philippine School of Business Administration-Quezon City, Olivarez College at mga baguhang Centro Escolar University, Immaculada Concepcion College at LPU-Laguna. Ang DLSU-Dasmariñas, AIMS, PMMS, SFAC, EAC-Cavite at PCC ang kabilang sa Grupo B.
Nais din ng PATTS College of Aeronautics na umulit bilang kampeon sa kalalakihan at inilagay sila sa Grupo A kasama ang AIMS, PMMS, ICC at PCC. Nasa Grupo B ang NCBA, DLSU-Dasmariñas, EAC-Cavite, CEU at LPU-Laguna. Ang palaro sa Beach Volleyball ay babalik muli sa Paninap Beach sa Real Quezon mula Mayo 27 hanggang 29. Ang DLSU-Dasmariñas ang kampeon noong 2018.





Comments