top of page
Pokwang.jpg

Layuning mapataas ang kalidad ng sistema ng pagtuturo, bigyang-suporta!

Win Gatchalian
Apr 2, 2019
2 min read

ANG Professional Regulations Commission (PRC) ay pinagkalooban ng kapangyarihan ng Republic Act No. 8981 o ang PRC Moder­ni­zation Act of 2000 na mangangasiwa at mag­papatibay ng resulta ng licensure exa­minations ng iba’t ibang regulatory boards ayon sa pa­takaran at regulasyon ng nasabing ko­misyon.

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan ngunit, ang mga guro ang pag-asa ng mga kabataan,” tulad ng sinabi sa atin ng isang netizen sa pamamagitan ng private message.

Naniniwala tayo na ang mga guro ang isa sa mga pangunahing susi para makamit ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, kaya naman sila ay dumaraan sa butas ng ka­rayom para lang mabigyan ng lisensiyang ma­kapagturo sa pamamagitan ng nasabing pag­susulit.

Ilan sa mga kuwalipikasyon para makakuha ng Licensure Examination for Teachers o LET—ang aplikante ay dapat nakapagtapos ng ba­chelor’s degree na may specialization sa Early Childhood Education, Elementary Education o Secondary Education na mayroong 18 units sa Professional Education.

Ang aplikante naman ng vocational at two-year technical course ay kinakailangang may bachelor’s degree sa anumang field of spe­cialization na may 18 units din sa Professional Education.

Magkahiwalay ang pagsusulit ng elemen­tary at high school teachers.

Ang exam sa ele­mentary level ay may dala­wang bahagi kabilang ang Professional Edu­cation at General Edu­cation habang tatlong bahagi naman para sa high school level tulad ng Professional Edu­cation, General Education at Field of Speciali­zation.

Ang hindi naman pinalad na makapasa sa LET na may rating na hindi bababa sa 5% points mula sa passing general average rating ay maa­aring magturo bilang guro sa tulong ng Board for Professional Teachers.

Sila ang mga gurong idedestino sa mga pook na wala o may kakulangan sa professional teachers sa loob ng 2 taon.

Base sa ulat ng PRC, malaki ang kakulangan ng mga guro sa elementarya dahil ayon sa resulta ng LET mula noong 2014 hanggang 2018, ang average passing rate ng elementary teachers ay 27% sa loob ng 5 taon. Sa 125,082 bilang ng kumuha ng test ay 32,895 o 27% lamang ang mga nakapasa.

Sa kabilang banda, masaya tayong mala­mang tumataas ang LET passers at passing rate para sa high school level.

Mula noong 2015 ang bilang ng LET takers ay 138,059 kung saan ang nakapasa ay 51,914 o 38%.

Noong nakaraang taon naman ang bilang ng kumuha ng LET ay 203,255 kung saan 83,739 o 41% sa kanila ay matagumpay na nakapasa.

Ngunit, hindi rito nagtatapos ang pagsubok at hindi tayo dapat maging kumpiyansa. Umaasa tayo na patuloy pang darami ang LET passers upang magkaroon ng mas malaking oportuni­dad na makapagtrabaho ang mas marami pang guro, lalo na at nangangailangan ang DepEd ng 80,000 newly hired teachers na kakailanganin para sa School Year 2019-2020.

Ating hinihingi ang suporta ng PRC at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na lalong pa­angatin ang larangan ng pagtuturo bilang na­pakarangal na propesyon.

Dahil ang ating layunin na magkaroon ng de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataan ay dapat nagsisimula sa pagpapataas ng kalidad ng sistema ng pagtuturo.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page