Bago tuluyang mahulog sa "debt trap", pangungutang ng 'Pinas sa China, hinay-hinay lan

MAY utang ka ba? Magkano ang interest? Ano ang mga kasunduan nito sa pagbabayad? Mayroon ka bang ipinangkolateral? Magkano ang penalty sa oras na hindi ka makapagbayad ng tama, gayundin, bakit ka nangutang?
Kailangang-kailangan mo ba kaya ka nangutang? Kaya mo ba itong bayaran, saan mo naman kukunin ang pambayad?
Maraming maaaring mautangan, nariyan ang pamilya, kamag-anak at kaibigan ngunit, kung hindi natin sila mautangan o medyo paso na tayo sa kanila, maaari nating subukan ang mga nagpapa-5-6, Pinoy man o hindi. Nariyan din ang pagsasanla ng anumang bagay na mayroong halaga.
Mayroong tatlong karaniwang dahilan ng pangungutang. Una, kapag may emergency. May sakit si tatay at kailangan nito ng operasyon ngunit, wala tayong naitabing pera para rito. Pangalawa, malapit na ang enrollment ng inyong anak at kinakailangan nang makapagdeposito sa paaralan para mapa-enroll ito. Pangatlo, “gusto ko nang palitan ang aking lumang relos, gusto kong subukan ang gamit na relos ng paborito kong artista”.
Sa tatlong mga dahilan, ang panghuli ang kaduda-duda. Talaga bang kailangan ang mga bagay na nais nating bilhin o kapritso lamang ito?
Noong tayo ay nagtatrabaho pa sa Hong Kong, nasubaybayan natin ang sari-saring programa ng “financial literacy” na ibinibigay sa mga Overseas Filipino Worker (OFW). Bakit mayroong ganitong programa? Napakarami at tila parami nang parami ang mga nangungutang at nababaon sa utang na mga OFW.
Ang nakalulungkot ay sa utang na lang at hindi na sa pamilya napupunta ang kanilang kinikita. Ang malungkot na katotohanan ay ang dahilan ng kanilang pangungutang. Maraming nangungutang hindi dahil sa “emergency” o “tunay na pangangailangan” kundi dahil lamang sa kapritso.
Ito ang tinatawag na “debt trap” o bitag ng utang ng mga indibidwal na hindi nag-ingat at hindi umiwas sa maliit at simpleng kagat ng utang. Maaaring pag-usapan ang mga sari-saring trahedyang nauwi sa malalim at nakamamatay na utang. Nariyan ang mga nangungutang para magsugal hanggang sa mawala na rin maging ang kanilang sariling bahay, gayundin, ang mga nalulong sa masamang bisyo tulad ng iligal na droga, pangangalunya at marami pang iba.
Eh, paano kung ang naturang “debt trap” ay nasa mas malawak na antas tulad ng pagkakautang ng maliit na bansa sa dambuhalang bansa? Hindi ba, ito ang tinutungong direksiyon ng bansa sa pakikipag-ugnayan nito sa dambuhalang bansa na China?
Malinaw na malaking pagkakautang ang kahahantungan ng pangunahing programa ng pamahalaan na “Build, Build, Build”. Saan natin kukunin ang pera sa sunud-sunod na pagpapagawa ng mga imprastruktura?
Malinaw ang tuluy-tuloy na pangungutang ng mga nakaraang administrasyon na dahilan ng ating mabigat na local at foreign debt upang maipagpatuloy ang pangungutang, tuluy-tuloy din ang pagbabayad ng utang ng mga nagdaang administrasyon.
Planong mag-”borrow-borrow-borrow” ng pamahalaan sa China.
Bago pa nagsimula ang pangungutang, nag-umpisa nang angkinin ng dambuhalang bansa ang ilang isla sa bansa, gayundin ang malawak na sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Ano ang tunay na motibo? Hindi pa natin nalulutas ang sinimulang panghihimasok at pananakop ng China, nais pa nating isanla at itaya ang mismong kaluluwa ng Inang Bayan sa dambuhalang mananakop na bansa?
Dapat pag-isipan munang mabuti ang mga nakaumang na panganib ng pag-utang sa China hindi lang para sa kasalukuyang henerasyon kundi sa mga darating pang henerasyon at sa hindi mabibili o matutumbasan ng pera ng ating Pambansang Soberanya!





Comments