5-anyos minartilyo sa ulo ni uncle

KRITIKAL ang 5-taong gulang na lalaki matapos hatawin ng martilyo sa ulo ng kanyang tiyuhin na umano’y may history ng mental disorder sa Navotas City.
Kasalukuyang sumasailalim sa surgical operation sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Mark Lean Manzon Moralez.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-6:40 ng umaga, naglalaro ang biktima ng game sa mobile phone sa loob ng kanilang bahay sa Bgy.
Tanza 2 nang lapitan ito ng kanyang tiyuhin na si ‘Joseph’, 28, construction worker at walang dahilan na hinataw nito sa ulo gamit ang martilyo dahilan upang mawalan ng malay ang bata.
Matapos nito, tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang ina ng biktima na si Marissa Monique Saldiran Moralez, 25, sa kanilang mga kapitbahay saka isinugod ang anak sa Ospital ng Malabon at kalaunan ay inilipat sa JRMMC.
Nadakip naman ang suspek sa follow-up operation ng mga tauhan ng Navotas Police Community Precinct (PCP) 1 at mga barangay tanod ng Tanza 2.
Sinabi ng ina ng biktima sa pulisya na ang kanyang bayaw ay may history ng mental disorder.





Comments