Pulis, 4 pang gov’t. employees huli sa akto sa sabungan

ISANG pulis at apat na iba pang tauhan ng gobyerno ang nilambat ng pulisya na nasa aktong naglalaro sa loob ng isang iligal na tupadahan o sabungan sa bahagi ng Barangay Lam-an, Ozamiz City, araw ng Sabado.
Ang mismong paghuli sa mga iligal na nagsusugal sa sabungan ay pinangunahan mismo ni Ozamiz City Police Office Director Major Jovie Espenido kung saan nasa 430 kalalakihan ang kanilang nadakip, kabilang ang 15 menor-de-edad at 63 senior citizens.
Pansamantala munang hindi pinangalanan ni Espenido ang pulis na on duty ng mga oras na iyon at nakapangsibilyan lamang dahil isasailalim pa umano ito sa interogasyon kung kabilang siya sa mga protektor ng sabungan sa lugar habang ang apat na suspek ay pawang kawani ng local government unit.
Babala ni Espenido, hindi umano sila titigil sa pagsasagawa ng operasyon kontra iligal na pasugalan sa bayan alinsunod na rin sa kautusan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde at mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 6 ng Malacañang, ipinagbabawal ang pananatili, pagpasok at paglalaro sa casino ng mga opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at iba pang mga tauhan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.





Comments