PH-US balikatan, umarangkada na

NGAYONG araw, April 1, ang pormal na pagbubukas ng Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na gaganapin sa ilang piling lugar sa bansa.
Bilang panimula, ang opening ceremony ay gaganapin sa Camp Aguinaldo sa Quezon City kung saan dadaluhan ito ng ilang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Armed Forces-Asia Pacific Fleet.
Ayon kay Philippine Army Lt. Commander Liz Vidallon, mula ngayong April 1 hanggang April 12, 2019 tatagal ang military war exercises ng dalawang magkaalyadong bansa.
Bago pa man itinakda ang seremonya, nagsagawa na ng humanitarian activities at civic assistance projects ang mga kalahok na U.S. servicemen kung saan libu-libong mga residente ang nabiyayaan ng libreng serbisyo.
Isa umano sa mga inaabangang highlights ng naturang Balikatan ay ang live firedrill na gaganapin sa Capas, Tarlac sa April 10.
Magkakaroon din ng urban operations, aviation operations at counter-intelligence response na ang venue ay gagawin sa Palawan at ilang lugar sa Luzon.
Bukod sa live firedrill, isang senaryo ng live beach amphibious landing exercise ang ipamamalas sa dalampasigan ng Zambales, partikular sa San Antonio kung saan ilang milya lamang ang layo nito mula sa teritoryo ng Pilipinas na ngayon ay sakop ng China, ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc (Panatag) sa West Philippine Sea.
Gayunman, bago pa man ang joint military exercise, may mga presensiya na umano ng ilang mga barkong pandigma ng China ang nakaantabay para magbantay sa paligid ng Scarborough Shoal.





Comments