Mga pekeng account sa social media na nagkakalat ng “fake news”, sinampolan!
- BULGAR

- Apr 1, 2019
- 2 min read
MAHIGIT 600 barkong Tsina ang nakapalibot at umiikot sa Pag-asa Island mula noong Enero ngayong taong ito.
Kinumpirma ito mismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Halos hindi umano gumagalaw ang mga barko na tinawag ng AFP na “maritime militia”.
Maya’t maya ay pinupuntahan umano ang mga barko ng Chinese Coast Guard para dalhan ng mga supply.
Wala naman daw ginagawang kahina-hinala, pero hindi sila umaalis at nakapaligid lang sa Pag-asa Island.
Noong nagsimula ang rehabilitasyon ng paliparan sa Pag-asa Island, naitala ang pinakamaraming barkong pumaligid sa isla.
Sigurado ang maririnig lang natin ay “anong magagawa natin” o wala naman silang ginagawang masama”? Ano kaya ang nararamdaman ng mga nakatira sa Pag-asa Island?
Ano ang mararamdaman natin kapag sa labas ng ating tahanan ay mayroong nakapaligid na mga sasakyan? Wala man silang ginagawa, pero ligtas ba ang pakiramdam mo o hindi?
Dapat napag-usapan ito nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping nang dumalaw ang huli sa China noong Enero o baka hindi ito nabanggit dahil “kailangan nilang umutang” o mayroon silang hinihinging pabor sa China.
Sana napag-usapan ito pati na rin ang sitwasyon ng mga mangingisda sa Panatag Shoal. Sinusuwapang naman nila masyado ang yaman ng karagatan.
◘◘◘
Kumilos na ang Facebook noong Biyernes para tanggalin ang 67 pages, 68 accounts, 40 FB groups at 25 Instagram accounts dahil sa tinawag na “inauthentic coordinated behavior” at sa paggamit ng mga pekeng account para magkalat ng maling impormasyon. Sa madaling salita, “fake news”.
Pinangunahan ito ng pinuno ng Facebook Cyber Security Policy na si Nathaniel Gleicher.
Ayon kay Gleicher, “the key here is they’re using fake accounts, purports to represent a real person.”
Hindi na natin babanggitin ang mga page at account na tinanggal ng Facebook. Ang masasabi lang natin, mabuti at kumilos na ang Facebook para tanggalin ang mga nagkakalat ng “fake news”.
Masyado nang laganap ang mga nagkakalat ng mga ganitong klase ng balita at impormasyon.





Comments