LADY SPIKERS, SOLO SECOND NU, BUHAY PA SA FINAL 4
- BULGAR

- Apr 1, 2019
- 1 min read

UMANGAT na ang defending champion De La Salle University sa solo second place sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament matapos ang pahirapang panalo laban sa University of Santo Tomas (UST) kahapon sa Mall of Asia Arena.
Naghabol pa ang Lady Spikers mula sa pagkakahilahod at ipinakita ang kanilang katatagan sa pagtatapos ng laro sa bisa ng 21-25, 25-23, 25-19, 26-24 na pagwawagi laban sa Golden Tigresses sa harap ng dumaragundong na 9,000 fans ng Pasig City venue.
Nakuha ng La Salle ang ikalawang diretsong panalo at umibayo ang kartada sa 7-3 para umangat ang standings sa no. 2 sa league standings sa likod ng Ateneo de Manila University. Samantalang ang UST ay lagpak sa 6-4. Malaking pagresbak na panalo na rin ito para sa defending champion na natalo noon sa UST sa straight sets sa first round.
Nauna rito, binuhay ng National University ang aandap-andap na tsansang umabot sa Final Four round matapos ganap na patalsikin sa kontensiyon ang Adamson University sa pamamagitan ng 28-26, 30-32, 25-21, 25-22, paggapi sa huli.Naputol din ng Lady Bulldogs ang kinasadlakang tatlong sunod na pagkabigo at nakabawi sa naging kabiguan nila sa Lady Falcons noong unang round.
Nagtala si team captain Roselyn Doria ng 18 puntos na kinabibilangan ng 12 attacks, 5 aces at isang block kasunod si Ivy Lacsina na may 15 puntos para sa nasabing panalo ng Lady Bulldogs na nag-angat sa kanila sa 3-7 rekord sa kabila ng kanilang nagawang 44 error. (VA)





Comments