top of page
Pokwang.jpg

Worried kung nakakahawa ang polio

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 1, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Mayroong polio ang aking pinsan ngunit, wala naman ganitong sakit ang aking tita at tito. Sadya bang lumiliit ang mga binti at paa ng taong apektado nito? Gusto kong malaman kung saan nakukuha ang sakit na polio, gayundin kung nakahahawa ba ito? — Janel

Sagot

Ang polio o poliomyelitis ay nakahahawang sakit na dulot ng impeksiyon ng poliovirus at nakaaapekto sa tao lamang. Maaaring ito ay karaniwang kaso lamang o abortive type na kadalasan ay gumagaling matapos ang isang linggong pagkakasakit o kaya ay seryosong karamdaman na nakaaapekto sa central nervous system kabilang ang utak, spinal cord at maaaring magdulot ng pagkaparalisa, hirap sa paghinga o kamatayan.

Sa panahon ngayon, ang sakit na polio ay hindi na kasinglaganap kung ikukumpara sa mga nakalipas na dekada.

Ano ang sanhi ng polio?

Ang polio ay dulot ng impeksiyon ng poliovirus na maaaring makuha sa mga kontaminadong inumin at pagkain. Ang kontaminasyon ay nagmumula sa dumi ng apektadong indibidwal kaya naman ang pagkakaroon ng sakit na ito ay may kaugna­yan sa pagiging marumi ang kapaligiran at kawalan ng malinis na suplay ng tubig o pag­­kain.

Sino ang madalas nadarapuan ng sakit na ito?

Ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na polio ay tumataas sa mga taong dumarayo sa lugar na talamak ang kaso ng sakit na ito, lalo na kung hindi nabakunahan. Ang mga taong nagbubuntis, mga bata at indibidwal na may mahinang resistensiya ang mayroong pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng sakit na maaaring humantong sa pagkaparalisa.

Kumplikasyon ng polio

Ang malalang kondisyon ng polio ay maaaring humantong sa pansamantala o permanenteng pagkaparalisa, panliliit ng balakang, mga binti at paa. Kaya naman, ang mga batang nagkaroon ng sakit na ito ay kadalasang nagiging baldado na habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page