top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Hanggang saan natin kayang ipaglaban ng mahal na inang bayan?

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 1, 2019
3 min read

KALIWA’T kanang Baccalaureate Mass ang nagaganap nitong mga nagdaang araw. Mahalagang pag-isipan nang husto ang pagninilay at mensaheng ibabahagi sa kabataang magtatapos at tutuloy sa susunod na yugtong-akademiko ng kanilang buhay.

Sa tanong ni Yahweh para sa mga Israelita na, “subalit, inutusan Ko silang sumunod sa Akin upang sila ay maging Aking bayan at Ako naman ang Diyos nila.” (Jeremias 7:21 ff)

Hindi lang sa mga Israelita nagtatanong si Yahweh kundi sa ating lahat.

Gaano kalalim ang pagmamahal natin sa Diyos? Handa ba natin Siyang ipaglaban at ipakilala sa iba sa kabila ng tuluy-tuloy na paglilibak at panlalait sa Diyos? Tayo ba ay nanahimik at tuluyan nang natakot sa mga hayagang pambabastos sa Diyos? Kung takot ang maraming ipagtanggol at ipaglaban ang Diyos, gayundin ba ang ilan pagdating sa pagtatanggol at pagpapakilala sa ating Inang Bayan?

Tinanong sa mga graduating student, “matutuwa ba tayo kapag naging probinsiya ng China ang Pilipinas? Kung hindi, handa ba tayong ipaglaban ang ating bansa laban sa mga nanghihimasok na ibang bansa sa mga tinawag na “imperyalista” noong araw? Handa ba tayong isiwalat at labanan ang mga “taksil” na opisyal na ipinagkanulo tayo sa mga mananakop na Tsinong taga-PRC?

Nakalulungkot tingnan ang mga mata ng kabataang nakikinig sa ganitong mensahe. Tila nagtatanong kung paano namin maipagtatanggol o ipaglalaban ang bansa? Kaya ba nating labanan ang China, ang dambuhalang bansa na mayroong 1.4 bilyong populasyon?”

Hindi nakapagtatakang mabasa natin ang ganitong pagtatanong sa mga mata ng mga bata kung ang mismong pangulo ay ganito magsalita. “May magagawa ba tayo, napakalakas at napakalaki ng China? Kahibangan na lumaban dito. Wala tayong laban!” Ganito ang paliwanag ng pangulo sa tanong kung maipagtatanggol ba niya ang ating bansa sa panghihimasok ng dambuha­lang bansa?

Palagi natin ipinaliliwanag sa mga batang mag-aaral ang tungkulin ng bawat mamama­yan, lalo na ng mga namumuno at higit sa lahat ng pangulo ng bansa na ipaglaban ang Inang Bayan. Nakalimutan na ba natin ang sakripisyo at pag-aalay ng sariling buhay ng ating mga bayani?

Ibinabahagi rin natin ang kaibahan ng kasalukuyang panahon sa panahon natin noon. Ang tanong natin sa mga mag-aaral, “kailan mas madaling mag-aaral, ngayon o noon?” Malinaw na higit na madaling mag-aral noon. Nabuhay tayo sa mga panahong nagsisimula at napakamahal pa ng telebisyon noon at wala ring cellphone.

“Ano ang kulang na kulang sa mga kabataan ngayon dahil sa kung anu-anong mga distraction o mga abalang umiiral sa kapaligiran?” Narinig natin mula sa mag-aaral na sumagot nang, “concentration po.”

Hindi ba, ito ang tinutukoy ni HesuKristo nang ipaliwanag nito kung bakit imposibleng sa demonyo galing ang kapangyarihan Niyang magpalayas ng mga demonyo? Hindi makatatayo ang anumang kaharian kung ito ay nahahati. Hindi lalabanan ng demonyo ang kapwa demonyo. Tanging sa Diyos lamang galing ang kapangyarihan ni HesuKristong magpalayas ng demonyo (Lukas 11:14-23), gayundin tayong lahat. Paano natin magagawa ang anuman, higit sa lahat ang kabutihan kung nahahati o hindi tayo buo, matatag at wala tayong malinaw na direksiyon?

Paano natin mamahalin ang ating bayan kung mas may interes pa tayo sa banyagang bagay kaysa sa lokal o sarili nating likha?

Paano natin mamahalin ang Diyos kung wala tayong panahong magdasal, magsimba at magbigay ng panahon at pagpapahalaga sa Kanya?

Paano natin pag-iigihan ang ating pag-aaral kung wala tayong disiplina at malalim na pagkilala kung sino tayo talaga at kung ano ang tunay nating kakayahan?

Kunsabagay, Grade 6 Baccalaureate Mass ang ipinagdiwang natin noong nakaraang Huwebes. Batambata at hindi pa ganu’n kalawak ang kanilang mga pang-unawa sa mga bagay-bagay. Gayunman, hindi pa ganu’n kahirap gabayan ang mga mag-aaral tungo sa mas malalim at makabuluhang motibasyon ng kanilang pag-aaral. Hindi pa ganu’n kahirap ipaliwanag ang ibig sabihin ng pag-aaral at pagpapa­halaga sa Diyos, bansa, kapwa-tao at kalikasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page