top of page
Pokwang.jpg

PAGULAYAN, MABANGIS PA RIN; DE LUNA, TUMIKLOP SA AUSTRIAN

Eddie M. Paez, Jr
Mar 31, 2019
2 min read

PINAG-EMPAKE ni Alex “The Lion” Pagulayan ang pambato ng China na si Wu Jia-qing, 7-4, upang makahakbang sa susunod na yugto samantalang kinulang sa angas ang laro ni Jeffrey “The Bull” De Luna kaya tumiklop kontra kay Austrian Albin Ouschan, 2-7, at tuluyang nasipa palabas ng playing arena sa malupit na 2019 World Pool Masters sa Victoria Stadium ng Gibraltar.

Ang panalo ay tila nagpapahiwatig na nasa winning momentum pa rin si Pagulayan, 40-anyos at tubong Isabela, dahil bago nagsimula ang torneo ay nakasikwat na ito ng apat na korona ngayong taong ito. Ang apat ay: Music City 9-Ball Challenge (Tennessee, Enero), 5th Texas 10-Ball Championships (Pebrero), Scotty Townsend Memorial 9-Ball at Scotty Townsend Memorial One Pocket (Los Angeles, Marso).

Susunod na makakaharap ni Pagulayan, 2004 World 9-ball king at dating World Pool Masters titlist, ay isa pang Asyano sa katauhan ni Taiwan gem Ko Pin-yi. Ang Taiwanese ang kasalukuyang pang-anim sa pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo base sa kasalukuyang talaan ng World Pool Billiards Association (WPA).

Sa higpit ng kompetisyon, mula sa dalawang dosenang manlalaro na inimbitahan sa prestihiyosong kompetisyon, 8 na ang nalagas at 16 na lang ang natitirang nakatayo at may pag-asa pang makahablot ng korona.

Kasama rito sina Eklent Kaci ng Albania (dinaig si Earl “The Pearl” Strickland ng US, 7-2), ang Amerikanong si Shane Van Boening (nagpataob kay woman’s champion Kelly Fisher ng England, 7-2), Austrian Justin Sajich (tumalo kay Petri Makkonen ng Finland, 7-4), Matt Edwards ng New Zealand (nanghiya kay Chris Melling ng England, 7-3), ang Rusong si Fedor Gorst (nagpauwi kay Naoyuki Oi ng Japan, 7-2) at David Alcaide (nangibabaw laban kay Francisco Sanchez Ruiz. Ang mga tuntuning “winner breaks”, “30-second shot” at “race-to-7” ay pinaiiral sa sagupaang magkakaloob ng $25,000 papremyo sa magkakampeon mula sa cash pot na $100,000.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page