Lahat ng mamamayan na sangkot sa iligal na droga, ilantad na!
- BULGAR

- Mar 31, 2019
- 2 min read

SURPRISE drug test ang ikinasa sa higit 4 na libong PUV (public utility vehicle) drivers sa utos ni PDEA Director General Aaron Aquino noong Marso 29, 2019 kung saan 55 sa mga drayber ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa iba’t ibang terminal sa buong bansa at karamihan dito ay mga jeepney driver.
Gayunman, sinabi ni PDEA Spokesperson Derrick Carreon na isasailalim pa sa confirmatory test ang mga nagpositibo at isusumite ang pangalan ng mga ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ngunit, mula noong naganap ang drug test ay hindi na pinayagang bumiyahe ang mga nagpositibo, dapat lang!
Samantala, kukumpiskahin din ang lisensiya ng nasabing mga drayber at isasailalim sila sa rehabilitasyon.
Sadyang nakababahala dahil libu-libong buhay ang nakasalalay sa kanilang mga biyahe, araw-araw nang hindi man lang alam ng kanilang mga pasahero na sangkot pala ang nagmamaneho ng pampublikong sasakyan sa drogang ipinagbabawal.
Tama lang na binigla ang pagpapa-drug test nang sa gayun ay maubos na ang mga salot ng lipunan!
Imbes na makatulong sila sa bayan, kumakapit sila sa bagay na alam nilang makasisira lang sa kanilang buhay.
Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, ang biglang pagpapa-drug test ay ipagpatuloy lang para mahuli at maubos na ang mga indibidwal na malalakas ang loob na gumawa ng iligal, pero kapag nagkahulihan, akala mo kung sinong mga maaamong tupa.
Ngayong mainit ang isyu tungkol sa iligal na droga, ilantad na ang lahat ng mamamayan na gumamit at nagpapakalat nito, walang dapat piliin, lahat ay i-BULGAR!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments