top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kung kinakailangang kumuha ng bagong SSS number kapag nalimutan o nawala ito

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 31, 2019
  • 2 min read

Dear SSS,

Nakalimutan ko kung saan ko nailagay ang kopya ng aking SSS number, hindi ko rin tanda ang mga numero. Nais kong malaman kapag nawala o hindi matandaan ng miyembro ang kanyang SSS number, dapat ba siyang kumuha ng bagong SSS number? —Edong ng Taguig City

Sagot

Para sa inyong katanungan, hindi na dapat kumuha ng bagong SSS number ang mi­yembro kahit nawala pa niya ito.

Ang inisyung SSS number sa miyembro ay panghabambu­hay na at ito ay dapat niyang gamitin sa lahat ng magiging transaksiyon niya sa SSS.

Kung hindi niya matandaan o nawala niya ang kopya ng kanyang SSS number, maaari siyang magtungo sa pinakamalapit na sangay ng SSS upang ipaberipika ang kanyang SSS number.

Hindi dapat kumuha ng isa pang SSS number ang miyembro sapagkat ang pagka­karoon ng higit sa isang SSS number ay magdudulot ng pag­kaantala sa pagpoproseso ng kanyang bene­pisyo o pautang sa hinaharap. Kaya mahalagang magkaroon lamang ng iisang SSS number.

Gayunman, kung nasum­pu­ngan na higit sa isa ang SSS number ng miyembro, dapat ni­yang hilingin sa SSS na kanse­lahin ang sobrang SSS number.

Upang maisaayos ang kan­yang record, ang lahat ng kan­yang kontribusyon ay pagsasa­mahin sa isang SSS number o retained SSS number. Ililipat din sa retained SSS number ang lahat ng mga record ng miyembro tulad ng employment history, monthly salary credit, benefit claim, talaan ng utang at date of coverage.

Natutukoy ang retained SSS number batay sa mga sumusunod: Naisyuhan ng SSS ID/Unified Multi-purpose Identification (UMID) o may nakabimbing application para sa UMID card; may pinakamaraming bilang ng nai-post na kontribusyon; may pinakabagong nai-post na kon­tribusyon o SSS number na pinakaunang naisyu.

Kapag nabigyan na tayo ng SSS number, hindi na natin maa­aring maitama ang nailagay na­ting datos gamit ang online system. Maaari lamang itong baguhin gamit ang Member’s Data Change Request kalakip ang mga kauku­lang dokumento at isumite ito sa alinmang sangay ng SSS.

Hinihikayat nating ang mga miyembro na magrehistro sa My.SSS upang makita at ma-mo­nitor ang kanilang rekord at pag­po-post ng mga kontribusyon o makipagtransaksiyon sa SSS tungkol sa benepisyo. Ito ay ma­tatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph.)

Dagdag pa rito, maaari ring i-download ang SSS Mobile App. Gamit ang app na ito, maaaring makuha ang miyembro ng Payment Reference Number na kailangan sa paghu­hulog ng kontribusyon.

Bukod dito, puwedeng mag-apply ng salary loan at magsumite ng maternity notification gamit ang mobile app. Magagamit din ito upang i-update ang contact information ng miyembro tulad ng landline, mobile number, email at mailing address.

Nawa’y nasagot namin ang iyong kata­nungan.

***

Nais nating ipaalam sa mga miyembro na hanggang bukas, ika-1 ng Abril 2019 ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Loan Restructuring Program. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro.

Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Samantala, bukas sa mga retiree pensioner ang Pension Loan Program para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinan­siyal.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page