Karapatang makinabang ang mamamayan sa pambansang ekonomiya at patrimonya ng Pilipinas
- BULGAR

- Mar 31, 2019
- 2 min read
ANG mamamayang Pilipino ay mayroong karapatang makinabang sa pambansang ekonomiya at patrimonya ng Pilipinas nang naaayon sa isinasaad ng batas. Ayon sa Saligang-Batas, ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay ang higit pang pantay at makatarungang (equitable) pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan; sustinadong pagpaparami ng mga kalakal at paglilingkod na likha ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanan at lumalagong produktibo bilang susi sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapus-palad (Section 1, Article XII, Saligang-Batas).
Ang layunin ng estado ay mabigyan ang bawat mamamayang Pilipino ng pagkakataong magkaroon ng pakinabang sa mga yaman ng bansa at magkaroon ng parehong oportunidad na magkaroon ng mga prangkisa o anumang sertipiko ng pagpapalakad ng kagamitang pambayan (Certificate of Public Convenience). Ang pagpapalakad ng kagamitang pambayan ay isang uri ng negosyo na itinatalaga sa mamamayang Pilipino kaya naman hindi ipinagkakaloob ang anumang prangkisa maliban sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyong itinatag sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas na ang animnapung porsiyento (60%) ng puhunan ay pagmamay-ari ng mamamayang Pilipino. (Section 11, Article XII, Id.)
Mula sa mga nabanggit na probisyon, malinaw na nakasaad ang layunin ng estado at ng pamahalaan na bigyan nang maayos na buhay ang mamamayang Pilipino.
Para sa mas ikauunlad ng mamamayang Pilipino, dapat masiguro rin ng estado na mas kikilingan ang paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring lokal at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang masabayan ng mamamayang Pilipino ang mga kakumpitensiya nito maging sa pandaigdigang merkado.
Subalit, sa pantay at makatarungang (equitable) pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan ng estado sa mamamayang Pilipino, marapat ding malaman ng mamamayan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad na panatilihing maaayos ang produkto nito at pakikipagkalakalan upang makasabay sa ibang mangangalakal at kakumpitensiya mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.





Comments