Illegal terminal sa EDSA, lansagin!

PANUKALANG-BATAS NI VILLANUEVA, IBIGAY SA MGA PINOY ANG MGA TRABAHO AT HUWAG SA MGA CHINESE — Isinulong ni Sen. Joel Villanueva ang Senate Bill 1508 na ang layunin ay mas bigyang-prayoridad na pagkalooban ng trabaho ang mga Pinoy sa bansa kaysa sa mga dayuhan.
Isinulong niya ang panukalang-batas na ito dahil imbes na ang mga jobless Pinoy ang bigyan ng trabaho ng Duterte gov’t. ay nag-i-import pa ito ng mga jobless Chinese sa China para pagkalooban ng trabaho sa mga infrastructure project ng gobyerno, buwisit!
*****
P-DUTERTE, WALA RAW PAKIALAM SA KASO VS. CHINESE PRES. XI JINPING? — Sinabi ni P-Duterte kay Minister Song Tao ng International Department of Communist Party of China (IDCPC) na wala raw siyang pakialam sa isinampang kasong crime against humanity nina ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales at ex-DFA Sec. Albert del Rosario sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese Pres. Xi Jinping kaugnay sa pananakit at pagtaboy ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea (WPS).
Pambihira, imbes na suportahan ng pangulo ng Pilipinas ang pagiging patriotic o ang ginawang makabayang-aksiyon nina Morales at Del Rosario, eh, sumumpa pa sa sugo ng China na wala raw siyang paki sa kaso, pwe!
*****
PDEA CHIEF, MISTULANG SPOKESMAN NA RIN NG SUSPECTED DRUG LORD — Kinumpirma noon ni PDEA Director Aaron Aquino na binigyan sila ni dating Anti-Drug Enforcer Police Col. Eduardo Acierto ng intel report noong 2017 na sangkot sa iligal na droga si Michael Yang, ang economic adviser ni P-Duterte, pero kahapon, iba na ang tono ng PDEA chief na hindi raw drug lord si Yang.
‘Anyare sa Pilipinas? Mantakin ninyo, pati anti-drug enforcement chief, eh, mistulang spokesman ng mga suspected drug lord, buwisit!
*****
ILLEGAL TERMINAL SA KANTO NG EDSA AT MUÑOZ MARKET — May illegal terminal ng jeep sa kanto ng EDSA at Muñoz Market sa Quezon City kaya nagkakatrapik-trapik na naman sa lugar na ito.
Kung ganu’n, boladas lang pala ang sinabi ni MMDA Chairman Danilo “Danny” Lim na pinalansag na niya ang lahat ng illegal terminal sa Metro Manila, pwe!





Comments