top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Babala sa mahilig uminom ng softdrinks!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 31, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ng problema sa atay ang aking tatay dahil malakas siyang uminom ng alak at kumain ng matataba at matatamis na pagkain. Ito rin ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Ano ang maipapayo ninyo para maingatan ang atay? Ayos lang bang uminom ng mga food supplement kahit hindi ito ipinayo ng doktor, gayundin ano ang mga pagkaing nakasasama sa atay? — Jing

Sagot

Ang atay ay mahalagang bahagi ng digestive system. Ilan sa mga function nito ay ang paglilinis ng ating dugo mula sa mga dumi sa loob ng ating katawan, pagtunaw ng taba mula sa ating mga kinain at pangangalaga sa glucose na nagbibigay sa atin ng sigla.

Marami sa atin ang naniniwalang epektibo ang dietary supplements sa pagpapabuti ng ating pangangatawan.

Iba-iba ang puwedeng maging epekto ng mga food supplement sa ating atay kaya mag-ingat sa mga ito. Maaaring epektibo ang mga ito ngunit, tandaan na puwedeng may side-effects din ang mga ito sa ating katawan.

Nagbabala sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa “deceptive at ‘misleading” claims ng mga produktong ito. Mas makabubuting magpakonsulta sa doktor upang maging sigurado.

Siguraduhing may sapat na kaalaman tungkol sa bibilhing supplement at huwag mahiyang magta­nong tungkol sa mga ito, gayundin iwasan nating lubusang umasa sa supplements at sikapin pa ring magkaroon ng balanseng diet at disiplina sa katawan upang mapanatili itong malusog.

Narito ang mga pagkaing at inumin na dapat iwasan upang maging malusog ang atay:

·Processed food na mayroong maraming trans fat — ang trans fat o hydrogenated vegetable oil ay kalimitang matatagpuan sa mga processed food. Mag-ingat na huwag sumobra sa pagkonsumo ng mga pagkain tulad ng biscuits, crackers, ready-made dressings at popcorn.

·Prutas at matatamis na pagkain — bagama’t, hindi maitatanggi ang mga benepisyong hatid ng prutas, may ibang prutas na maaaring makasama kapag nasobrahan. Ang mga pagkaing karaniwang sagana sa fructose o fruit sugar ay hindi nakabubuti sa atay. Ang fructose ay mahirap matunaw sa katawan at kapag naparami ay maaaring maging sanhi ng dyslipidemia o hindi normal na rami ng taba sa dugo. Ito rin ay maaaring magpataba at magpamaga sa atay. Iwasan ang madalas na pagkain ng ice cream, cake at candy. Wala man itong fructose, nagtataglay naman ito ng cholesterol at asukal.

·Pagkaing mamantika — ang mamanti­kang pagkaing tulad ng mga pagkain sa fastfood restaurants o turu-turo ay mayroong matinding dulot sa atay na maihahalintulad sa hepatitis. Ang mga pagkaing tulad ng pritong manok, French fries at fried siomai ay maaaring magpataas ng bad cholesterol. Ito ay maaaring magdulot ng fatty liver o matabang atay.

·Inumin at pagkaing mayroong high fructose corn syrup (HFCS) — ang HFCS ay karaniwang ginagamit na pampatamis sa softdrinks at fruit-flavored drinks. Ang sobrang supply ng fructose sa katawan ay nagiging taba kung saan ito ang sanhi ng matabang atay.

·Inuming may alcohol — nagdudulot ito ng pagkasira ng liver cells, pananaba ng atay, pamamaga ng atay (liver inflammation), pag-malfunction ng atay (liver cirrhosis) o kanser sa atay.

Ilan lamang ito sa mga pagkain at inumin na dapat iwasan upang mapabuti ang kalusugan, lalo na ang ating atay. Kung mayroong mga sintomas ng karamdaman, makabubuti pa rin na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng karagdagang payo tungkol sa inyong karam­daman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page