Travel tax ng mga senior citizen at PWD, libre na!
- Ryan B. Sison
- Mar 30, 2019
- 1 min read

APRUBADO na ng House Committee on Tourism ang panukalang-batas na gawing libre sa pagbabayad ng travel tax ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Good news, dahil paniguradong makatutulong talaga ito sa mga kababayan nating umaasa na lamang sa pensiyon o sa kita ng kanilang mga pamilya!
Gayunman, sa ilalim ng House Bill 7964 o “Tax-Free Travel for Senior Citizens and PWDs (persons with disabilities) Act”, nakasaad na may pagkakataon na ang senior citizens at PWDs ay kinakailangang magpagamot sa ibang bansa, kaya malaking bagay para sa kanila na maging libre para sa mas madaling overseas travel, lalo na at hindi biro ang halaga ng pagpapagamot doon.
Samantala, sa ilalim ng Presidential Decree 1183, nakalagay na aabot sa P1,620 ang full travel tax para sa economy class, P2,700 full travel tax sa mga first class passenger habang P1,350 at P810 naman ang standard reduce rate, gayundin P400 at P300 naman ang privileged reduced tax para sa mga OFW dependent.
Bagama’t, positibo ang nasabing panukala, hindi sana ito mapurnada o magkaroon ng butas, gayundin, hiling natin na bukod sa pagpapalibre sa kanila, dapat paigtingin din ang pagbibigay ng prayoridad at pagtrato sa senior citizens at PWDs dahil may ilan pa ring mga indibidwal ang iresponsable at walang respeto kung saan imbes na asikasuhin sila ay matagal pang pinaghihintay at niloloko, kaya mga ka-BULGAR, dapat palagi tayong maging maalam at alerto!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments