Kokontra o magsasalita laban sa Duterte gov't., may "kalalagyan"?! Hmmm...

TULAD ng inaasahan, inatake nang husto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating pulis na nagsiwalat at nagsumite ng report hinggil sa posibleng pagkakasangkot ng kanyang mga dating economic adviser sa iligal na droga. Ayon kay Eduardo Acierto, iniabot niya ang report sa PDEA at sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni dating PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa. Pero, mukhang walang nangyari sa report na ito. Ngayong isinapubliko na, panay naman ang banat ni P-Duterte sa kanya, lalo na sa kanyang pagkatao. Nagpahayag na sangkot sa pagpatay kay Jee Ick Joo, ang Korean businessman na pinatay sa loob mismo ng Camp Crame, gayundin, sa ilalim ng pamunuan ni Dela Rosa.
Sa talumpati ng pangulo, tinanong nito ang AFP at PNP kung bakit buhay pa umano si Acierto. Sa ating pananaw, tila kumpirmasyon ito na “ipinapapatay” ang mga kumokontra kay P-Duterte. Wala nang proseso ng paghuli at pagsampa ng kaso. Tinanong kung bakit buhay pa siya.
Wala naman daw ebidensiyang sangkot si Acierto sa pagpatay kay Jee Ick Joo, ayon kay PNP Chief Gen. Albayalde. Nakakulong na raw ang mga pangunahing suspek. Mukhang nagkaroon ng galit si P-Duterte sa kanya, hindi ba? Kung walang katotohanan ang mga alegasyon ni Acierto hinggil kay Michael Yang, bakit kinakailangang tanungin kung bakit buhay pa si Acierto? Sa ideyang ito, ipinakita lang ni P-Duterte ang nais niyang gawin sa lahat ng kumontra o magsalita ng masama tungkol sa kanya.
◘◘◘
Sagutan ang naganap sa pagitan nina Associate Supreme Court Justice Antonio Carpio at Presidential Spokesperson Salvador Panelo hinggil sa gagawing pag-utang ng mahigit P3 bilyon ng Pilipinas sa China para sa pagpapagawa umano ng Chico Water Dam Project. Hindi nagugustuhan ni Carpio ang ilang probisyon na nakasaad sa kontrata, partikular ang tila paggamit ng likas na yaman na pag-aari ng Pilipinas bilang kolateral. Unang sinabi ni Panelo na hindi naman apektado ang likas na yaman sa Reed Bank dahil hindi umano ito “patrimonial assets”, pero ipinaliwanag ni Carpio kay Panelo na noong 1972 ay mayroong batas na nagdedeklara ng mga likas na yaman sa Reed Bank bilang “patrimonial assets”.
Sa pagkakataong ito, tinawag ni Panelo si Carpio na hindi umano makabayan na tinawanan lang ni Carpio. Sino kaya ang nanalo sa diskusyong ito?
Dahil naglabas lang ng pangamba si Carpio hinggil sa kontrata kung saan maaaring dehado ang bansa, hindi na siya makabayan?





Comments