P725-k pekeng yosi, nasamsam

NASA P725,000 ang halaga ng mga pekeng sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 1 sa loob ng nakaparadang van, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.
Alas-10:30 ng gabi, naaresto ng mga pulis ang driver ng van na si Julito Octing at pahinante na si Anthony Pano.
Ayon kay Colonel Rolando Magdaluyo, station commander ng MPD-PS1, 14,500 packs ng pekeng sigarilyo, kabilang ang Marvels, Jackpot at Mighty cigarettes ang nasamsam sa Capulong St., Tondo, Manila.
Peke rin ang BIR stamps ng 29 kahon ng sigarilyo na nakatakda umanong i-deliver sa Binondo, Manila.
Kinumpirma naman ng mga kinatawan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation at Japan Tobacco na peke ang mga nasabat na sigarilyo.
Ayon kay Magdaluyo, isang buwan na nilang minamanmanan ang mga suspek na gumagamit ng iba’t ibang uri ng sasakyan at naglalagay ng iba pang kargamento sa kanilang sasakyan upang hindi mapansin ang dala nilang mga pekeng produkto. Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 8293 o intellectual property code in relation to unfair competition and trademark infringement ang mga suspek.
Inaalam pa kung sino ang may-ari ng mga nabanggit na pekeng produkto.
Patuloy naman ang isinasagawang surveillance ng mga pulis sa iba pang pinaghihinalaang warehouse ng mga pekeng produkto sa Maynila.
Nagbabala naman ang mga pulis sa mga konsiyumer na mag-ingat sa mga pekeng sigarilyo na maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanilang kalusugan dahil hindi tiyak ang mga materyales na ginamit sa mga ito.
Gayundin, malaking buwis ang nawawala sa gobyerno dahil hindi nagbabayad ng excise tax ang mga gumagawa nito.





Comments