Kandidatong tuwing eleksiyon lang nagpaparamdam,'wag iboto!

IBASURA ANG MGA KANDIDATONG SA PANAHON LANG NG ELEKSIYON TUMUTULONG—Ngayong araw ang umpisa na ng kampanya sa mga kumakandidato sa lokal na posisyon.
Sasabay na sila sa kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at partylist.
Panawagan natin sa publiko, lalo na sa mga botante na suriing mabuti ang track record ng kandidato kung ito ay likas na matulungin o tuwing panahon lang ng eleksiyon tumutulong.
Ibig sabihin, kung ang kandidato ay likas na matulungin, kahit hindi panahon ng eleksiyon ay kumakalinga ito sa kanyang mga kababayang nangangailangan ng tulong, ‘yan ang dapat iboto, pero kung ang kandidato ay tuwing panahon lang ng eleksiyon nagbibigay ng tulong, peke ang pagtulong niyan kasi kapag nanalo ‘yan sa eleksiyon, eh, siguradong dededmahin na niyan ang kanyang mga kababayang nagluklok sa kanya sa posisyon, period!
◘◘◘
SA BATAS NINA P-DUTERTE AT SEN. GORDON, MULTA, KASO AT KULONG ANG AABUTIN NG MGA RIDER—Sa batas ni Sen. Richard Gordon na Motorcycle Crime Prevention Act na inaprubahan naman ni P-Duterte, hindi lang pala malalaking doble-plaka na ikakabit sa mga motorsiklo ang binabatikos ng mga rider kundi halos lahat ng nilalaman ng batas.
Sa batas na ito, nakasaad ang napakaraming multa, pagsasampa ng kaso at pagkulong sa mga rider at pagkumpiska sa mga motorsiklo.
Sa batas na ito, kulang na lang, sabihin nina P-Duterte at Sen. Gordon sa mga rider na huwag nang magmotor, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
WHISTLEBLOWER VS. MICHAEL YANG, IPINAPAPATAY NI P-DUTERTE?—Na-shock ang publiko sa tanong ni P-Duterte sa AFP at PNP na kung bakit buhay pa raw si drug enforcer, ex-Col. Eduardo Acierto na nagbulgar na drug lord daw ang economic adviser ng pangulo na si Chinese national Michael Yang.
Shocking talaga kasi imbes na ang iutos ni P-Duterte sa AFP at PNP ay imbestigahan ang involvement ni Michael Yang sa droga ay tila ang utos ng pangulo sa mga awtoridad ay likidahin si whistleblower Acierto, boom!
◘◘◘
RAKET NI ‘CHRISTIAN’ SA JURISDICTION NI COL. YANG, TULOY PA RIN!—Hanggang ngayon ay tuloy pa rin daw ang operasyon ng raket na lotteng at bookies ni “Christian” sa Pasay City.
Tila yata mahina ang intelligence network ni Pasay City Chief of Police Col. Bernard Yang kaya hindi niya alam na nakapanraraket sa kanyang jurisdiction si “Christian”, buwisit!





Comments