Gumastos pa ng P500 milyon sa wa’ ‘wentang kaso | ‘Pinas, pinaglaruan lang ng U.S. kontra China
- BULGAR

- Mar 29, 2019
- 3 min read
ALAM ba ninyo kung magkano ang ginastos ng Pilipinas para lamang sa walang kuwentang paghahabla nito laban sa China? Tumataginting na P500 milyon.
Pera natin ‘yan, dahil ito ay galing sa buwis na ibinabayad natin sa gobyerno. Pinaglaruan lang ito ng mga dilawan para makasipsip sa Estados Unidos.
Yumaman ba tayo dahil sa demanda ng administrasyong Aquino na inihain noong 2013 sa Permanent Court of Arbitration? Hindi. Yumaman ba ang Pilipinas? Lalong hindi, muntik pa ngang bumagsak ang ating ekonomiya.
Ang China ang “superpower” ngayon sa Asya. Ang ibang bansa sa rehiyon ay may mga inaangkin ding mga isla kontra sa China, pero ni isa sa kanila ay hindi naghain ng kaso laban sa China.
Sabi siguro nila, ano kami tanga? Bakit aawayin mo ang kapitbahay at kanegosyo mo? Bakit hindi makipag-usap o idaan na lang sa diplomasya ang anumang alitan?
Ibahin natin ang dilawan, basta “utos” ng U.S. gagawin nito o sadyang magaling lang manggamit ng mga taong mahina ang ulo, ang U.S. Tsk!
Nakita siguro nila noong 2010 na mayroong pumasok na pangulo ng Pilipinas na madaling lokohin, isang miyembro ng angkan na kilalang “tuta” ng mga Amerikano, ang Aquino-Cojuangco.
Kaya ‘yun, nawala tuloy sa atin ang teritoryo natin na Scarborough Shoal na kilala din bilang Bajo de Masinloc.
Ang siste ay sinabi raw ni U.S. Assistant State Secretary for Asia Kurt Campbell kay dating DFA Secretary Albert del Rosario na pumayag na raw ang China sa “simultaneous withdrawal” mula sa Scarborough Shoal.
Ngunit, matapos umalis ang Pilipinas sa lugar ay hindi naman umalis ang China. Itinanggi ng China na may ganitong kasunduan. Hindi rin umimik ang U.S. na hindi sumunod ang China sa kasunduan kung mayroon man o wala.
Noon, maingay ang mga Kano kapag hindi sumusunod ang China sa anumang “deal”. Bakit bigla itong nanahimik? Lumalabas na talagang gusto ng U.S. na umalis ang Pilipinas sa Scarborough Shoal noong 2012 para maayos nila ang pagsampa ng suit laban sa China sa Arbitral Court. Siyempre, hindi puwedeng U.S. ang maghahain ng habla dahil hindi naman ito taga-Asya.
Kailangan nitong gumamit ng “front” — walang iba kundi ang tambalan ng mga Amboy na sina Del Rosario at ex-P-Noy.
Ang propaganda ng mga dilawan ay ganito: Kailangan daw ang PCA suit dahil inagaw umano ng China mula sa atin ang Scarborough Shoal, PR lang ito. Ang totoo ay naisahan tayo ng U.S. sa “game plan” nilang maging “superpower” din sa Asya.
Dahil hindi nila diretsong maaway ang China, ang karibal nila sa pagiging superpower, tayo ang ginamit na “pawn” para awayin ang China.
Sinira natin ang reputasyon ng China sa harap ng buong mundo, ipinahiya natin sila. ‘Yun, tuwang-tuwa ang mga Kano. Sabi nila siguro, ang daling paikutin ng mga ito.
Nagtataka pa ba tayo kung bakit bumagsak ang ekonomiya natin noong panahon ni ex-P-Noy? Nagalit ang China sa bansa at wala tuloy pumasok na kapital sa bansa mula sa kanila.
Ang layunin ng U.S. ay ang maging hari sa lugar na wala silang karapatang mag-aasta, ang South China Sea at mga karatig-dagat nito. Ang mga Asyano lang ang dapat nagdedesisyon sa mga mangyayari rito. Kasundo natin ang mga kapwa natin taga-Asya, huwag lang manggugulo ang mga Kano.
Ang problema sa ating mga Pinoy, minsan, masyado tayong “racist” dala na rin ng panloloko na ginawa ng mga dayuhang puti mula pa noong panahon ng Español.
Alam ba ninyong maraming Chinese ang ipina-massacre sa Pilipinas noong Spanish government? Galit ang mga Español sa mga Chinese dahil ayaw ng mga ito na magpalit ng relihiyon na ipinilit nila sa lahat ng mga nasa Pilipinas.
Palaging ipinasusunog ang Chinatown sa Binondo noon. Ipinapatay ng mga guardia-civil ang mga Chinese. “Pogrom” ang tawag dito, sistemikong pagpatay sa grupo ng mga tao na hindi kasundo ng mga awtoridad.
Hanggang ngayon ay marami pa rin sa atin ang “racist”. Mas pinaniniwalaan natin ang sinasabi ng mga puti (Amerikano ngayon) sa halip na ang posisyon ng mga kapwa-Asyano, ang mga Chinese.
Marami sa ating mga Pilipino ay mayroong dugong Chinese na hindi na mahalata sa maraming tao dahil naghalu-halo na ang mga dugo natin.
Ilang dekada na rin tayong ginagamit ng U.S. mula nang “mabili” tayo sa España. Ilang minahan ba ang itinayo ng U.S. pagsampa nila sa Pilipinas? Ilang ginto ang kanilang kinalakal mula sa mga minahan sa Benguet at Mt. Province? Mayroon tayong narinig na balita na marami raw ginto sa Fort Knox ng U.S. ay galing sa minahan sa Pilipinas, noong colony pa tayo nito.
Hanggang ngayon ba naman ay nagpapagamit pa rin tayo sa mga Kano? Tayo ba ang gagamitin nilang “pawn” kapag gusto na nilang giyerahin ang China?





Comments