top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

TALENTED SI YULO SA ARTISTIC GYMNASTICS, TATAOB BA ANG ARELLANO SA CHEERLEADING?

  • Eddie M. Paez, Jr. / MC
  • Mar 28, 2019
  • 2 min read

NAMAMAYAGPAG na sa kasalukuyan, pagdating sa men’s artistic gymnastics floor exercise, ang Olympic hopeful ng Pilipinas na si Carlos Edriel Yulo kung pagba­basehan ang 2018 - 2020 Apparatus World Ranking na ipinalabas ng Federation Internationale de Gymnastique o FIG.

Sa pinakahuling tala ng FIG, ang 19-anyos na Pinoy ay may naipon nang 70 puntos upang pangunahan ang mga disipulo ng floor exercise sa buong mundo. Naging malaking tuntungan ni Yulo ang pagkuha ng puwesto sa podium sa mga paligsahan sa Germany at Qatar noong 2018 at Australia at Qatar ngayong 2019.

Sa Doha World Cup (20 puntos) at sa Cottbus World Cup (20 puntos) noong 2018, nakakolekta si Yulo, itinuturing na bagong mukha ng gymnastics sa bansa, ng dalawang tansong medalya. Isang gold medal ang isinabit sa leeg ng binatilyong isa sa mga napupusuang maging flag bearer ng Pilipinas sa 2019 SEAG matapos sumali sa Melbourne World Cup (30 puntos).

At ilang araw pa lang ang nakalilipas, isang bronze medal uli ang nahablot niya sa Doha (20 puntos). Sa naturang torneo, nagbanta si Yulo ng isang golden performance nang manguna siya sa elimination round pero sa malas ay tersera lang ang inabot niya sa final round.

Samantala, susubukang sungkitin ng Arellano University (AU) Chief squad ang ikatlong-sunod na korona sa NCAA Cheerleading Competition ngayong Huwebes mula sa Mall of Asia Arena sa Pasay City simula ng 3 pm.

Nananatiling paborito sa kompetisyon ang Chief squad, na may anim nang titulo kabilang ang nakamit nila noong taong 2017 at 2018. Dalawa sa magiging matinding kalaban ng Chief squad ang 12-time champion na Altas Perp squad ng University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) at San Beda Red Corps of the San Beda University (SBU), na pumwestong pangalawa at pangatlo noong Season 93.

Inaasahan ding hindi magpapatalo ang mga kalahok mula sa Lakas Arriba Cheerleading Team ng Colegio De San Juan de Letran (CSJL), College of Saint Benilde (CSB) Pep Squad, Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals Pep Squad, Jose Rizal University (JRU) Pep Squad, Lyceum of the Philippines University (LPU), Mapua University Cheerping Cardinals (MU); at Golden Stags Cheerleading Squad of San Sebastian College-Recoletos (SSC-R) na mapapanood sa ABS-CBN at S+A.

Huwag palampasin ang indakan at mga kahindik-hindik na stunts ng mga estudyante ng NCAA sa pag-ere ng NCAA Season 94 Cheerleading Competition.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page