Mga bagong bagon sa MRT 3, wala sanang maging aberya!
- Ryan B. Sison
- Mar 28, 2019
- 2 min read

ANG MRT, parang pag-ibig ‘yan, ‘yung tipong mas mahaba pa ang paghihintay kaysa sa aktuwal na biyahe. ‘Yun lang!
Kaya naman para masolusyunan ang matagal nang inirereklamo ng bayan, plano ng Department of Transportation (DOTr) ngayong linggo na ituloy na ang regular na biyahe ng unang Dalian Train, ito ang pinakabagong dagdag sa linya ng Metro Rail Transit (MRT ).
Ayon kay Transportation Undersecretary Tj Batan, layon ng hakbang na masuri ang operability at compatibility ng Dalian Train sa mga riles, gayundin na kailangan na ito matapos magsitirik ang ilang bagon na matagal nang pinagtitiisan ng mga pasahero.
Gayunman, sinabi ni Batan na ang dagdag na bagon sa regular fleet ng MRT 3 ay hindi nangangahulugang maiibsan ang kasikipan dito dahil mananatili sa 15 ang average number ng operating trains.
Pero, makatutulong naman aniya ang bagong tren sa pagpunan sa gap habang ino-overhaul ang mga lumang stock.
Samantala, ngayong malapit nang umarangkada ang mga bagong bagon, sana ay hindi na ito magkaroon ng aberya dahil sa totoo lang nakasasawa na! Hugot!
Dagdag pa rito, sayang lang ang mga pondong ipinambibili kung palpak din naman ang sasakyan ng mamamayan na parang nagtapon lang tayo ng pera niyan!
Pero, dahil wala pa naman at masyado lang tayong advance mag-isip, hiling natin na sana sa pagkakataong ito ay magkaroon na ng maayos na resulta ang proyekto para sa mas magaang na biyahe na mararanasan ng lahat ng pasahero sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments