top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Protesta ng mga rider sa “dobleng plaka”, nagsanhi ng matinding trapik, hays!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 27, 2019
2 min read

KUNG napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas tungkol sa “double plate” para sa mga motorsiklo, sa Korte Suprema dapat magtungo ang kontra sa batas na ito at hindi sa kalsada. Nagkilos-protesta ang libu-libong riders noong Linggo. Nagdulot ito ng matinding trapik sa mga lugar kung saan sila nagtipon at dumaan. Tila ipinagmalaki pa nilang mabuti raw at Linggo sila nagprotesta at hindi weekdays dahil paniguradong mas magiging malala ang daloy ng trapiko. Kung ginawa nila ‘yun, sigurado, haharap din sila sa batas.

Hindi natin maintindihan kung bakit ayaw nila ng mas malaking plaka sa kanilang motorsiklo. Ang layunin nito ay mabawasan ang kabi-kabilang krimen sa kalsada kung saan motorsiklo ang pangunahing getaway vehicle ng mga kriminal, partikular ang mga riding-in-tandem.

Gayunman, kung ang kanilang katwiran ay posible namang mapalitan ng mga kriminal ang plaka, ibig sabihin, puwede na rin palang gawing dahilan ‘yan ng libu-libong sasakyan para huwag nang gumamit ng plaka o magparehistro? Maaaring magdebate nang husto ang dalawang panig kaya sa tingin natin ay mas mabuti kung sa korte na lang tayo humingi ng desisyon.

◘◘◘

Ayon sa mga ulat, okay lang daw gawing kolateral ang mga langis at natural gas sa Reed Bank para sa uutangin ng bansa mula sa China para sa Chico River Irrigation Project. $62 milyon o P3.6 bilyon umano ang uutangin ng Pilipinas sa China. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ganyan naman talaga kapag umuutang — ang nagpapautang ang nagdidikta ng mga kondisyon, pero wala naman daw dapat ikabahala ang mamamayan dahil marunong naman daw magbayad ng utang ang Pilipinas. Gayunman, nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa nasabing kondisyon ngunit, hurado lang siya ng Korte Suprema ng Pilipinas, hindi ba?

Madaling sabihin na marunong magbayad ng utang ang bansa hanggang sa hindi na makabayad. Isang okasyon lang naman ang kailangan para masira ang katangiang ‘yan, ito ba ang unang beses na ginamit ang likas na yaman ng bansa bilang kolateral sa utang? Alin pa kayang likas na yaman ang itinaya ng administrasyon para makautang sa China? Tila napakadali lamang sa kanila na itaya ang mga likas na yaman ng bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page