LAPNOS KAY NIEMER AT BELL ANG LIFESAVERS SA PSL
- BULGAR

- Mar 27, 2019
- 2 min read

NAKAHAKBANG ang reigning champion Petron palapit sa pag-sweep sa preliminaries nang tigpasin ang Generika-Ayala, 25-23, 25-13, 25-21 sa Philippine SuperLiga Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Impresibo sina imports Stephanie Niemer at Katherine Bell nang iangat nila ang Blaze Spikers sa una at ikatlong sets tungo sa ika-13 panalo sa prestihiyosong women’s club league.
Si Niemer, na minsang kinonsidera bilang bahagi ng U.S. National team, ay nagpasabog ng 19 puntos, 13 digs habang si Mika Reyes ay may 11 kills at 3 aces para sa binakas na 14 punto sa tropa ng Blaze Spikers na dalawang laro na lamang ang nalalabi para tuluyang mawalis ang preliminaries.
Si Bell, sa kabilang banda ay may 12 marka kabilang na ang malakas na backrow hit na nagsilbing game-winner. Ang una at tanging season na nagawang maka-sweep ng team ay noong All-Filipino Conference 2015 nang ibandera ng Petron Blaze ang prolific troika nina Aby Marano, Dindin Manabat at Rachel Anne Daquis. Pumoste ang team ng ika-14 diretsong panalo para masungkit ang titulo.
Si Petron coach Shaq Delos Santos, na naging assistant ni George Pascua sa historic sweep na iyon ng nakaraang apat na taon, ay nagsabing binigyan sila ng Generika Ayala ng magandang laban at napalaban ang kanilang karakter.
“Generika played really well,” saad ni Delos Santos na siya ring head coach ng national women’s volleyball team na aaksiyon sa 30th Southeast Asian Games. “They are willing to take every set and they made us struggle with our passing.” Tiniyak ni Delos Santos na hindi sila magpapapetiks dahil malapit na sila sa quartefinals.
Nakaungos na sana ang Blaze Spikers sa 17-7 cushion nang makahabol ang Lifesavers sa 9-1 run sa bisa ng block ni Marlyn Llagoso sa spike ni Reyes, 18-16. Nakahinga nang maluwag ang Blaze sa binakas nina Bell at Niemer na 21-18.
Isang service error ni Ceballos at ang mabilis na atake ni Reyes ang nagbigay sa Petron ng 23-20 led hanggang sa nasundan ng mga spike nina Niemer at Bell sa backrow ang sumelyo sa larong nagtagal ng 1 oras at 23 minuto. Lagpak ang Lifesavers sa 4-8 marka at tanging sina Ceballos at Kanjana Kuthaisong ang nag-agat sa team na may 11 at 10 points. (MC)





Comments