Ayuda ng PCUP sa mga kuwalipikadong apektado ng demolisyon at ebiksiyon, ayos!
- BULGAR

- Mar 27, 2019
- 2 min read

TUMUTULONG ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP sa mga maralita nating kababayan na apektado ng demolisyon at ebiksiyon. Ito ay alinsunod sa batas na naglalayong protektahan at pahalagahan ang pagmamay-ari ng mga mahihirap at ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na “no demolition without relocation”.
Ngunit, tulad ng ibang ahensiya ng gobyerno ay may limitasyon sa pagtulong ang PCUP. Isa rito ay ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang hindi pasok sa kuwalipikasyon na underprivileged and homeless citizen na may kaso ng demolisyon.
Tanong: Magandang araw! Nais kong malaman kung paano kami makahihingi ng tulong from PCUP sa Baguio about our property with 10 families na 34 years nang nakatira rito at binigyan ng demolition order without settlement or relocation?
Sagot
Kung tayo ay may problema sa demolisyon, maaari tayong sumulat o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com para sa mas malalim na paglalahad ng inyong isyu. Pakisaad ang detalye ng inyong kaso kasama ang inyong kumpletong address at contact number upang mas mabilis ang pakikipag-ugnayan ng ating area coordinator na nakatalaga sa inyong lugar.
Sa inyong isyu, kayo muna ay iba-validate ng ating area coordinator kung kayo ay ikinokonsidera bilang underprivileged and homeless citizen. Sila ay mga kababayan nating maralita na hindi nagmamay-ari ng housing facility, bahay o lupa man at ang pinagsamang buwanang kita nila ay nasa o mas mababa pa sa poverty threshold.
Kung kayo ay hindi kabilang sa nabanggit, hindi tayo sakop ng proteksiyon ng Section 28 ng Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act. Ang limitasyon din nito, para sa inyong kaalaman ay pagtulong sa kaso ng demolisyon na involved ang business o commercial owners, private residential owners at pamilya na hindi kinikilala bilang underprivileged and homeless citizen.
Matapos na tayo ay ma-validate at napag-alaman na tayo ay tulad ng nabanggit, magpapatawag tayo ng Pre-Demolition Conference para masiguro na ang nakasaad sa Section 28 ng RA 7279 ay maisakatuparan. Kung hindi man, maaari pa rin tayong sumulat sa PCUP para makapagbigay ng kaukulang payo kung ano ang maaaring gawin sa oras ng demolisyon.





Comments