Sanhi ng migraine at mga bagay na nakapagti-trigger nito

Dear Doc. Shane,
Matagal na akong empleyado sa insurance company. Madalas akong nakararanas ng pananakit ng ulo na para akong naduduwal, dahil dito, hindi ako makapag-concentrate sa aking trabaho. Para maibsan ito ay umiinom ako ng pain reliever, pero hindi nito gaanong naaalis ang sakit kaya sabi ng workmate ko ay baka raw migraine ito. Gusto kong malaman kung ano ang sanhi nito? — Hazel Anne
Sagot
Ang migraine o matinding pananakit ng ulo ay karaniwang neurological na sakit na kadalasang may kaakibat na pagkahilo at pakiramdam ng pagsusuka o nausea. Ito ay maaaring dulot ng paninikip o paglaki ng mga daluyang ugat sa utak o hereditary o namamana. Ang panaka-nakang pananakit ng ulo, depende kung gaano ito kalala ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na gawain.
Ano ang sanhi ng migraine?
Ayon sa pag-aaral, ang simpleng paninikip o paglaki ng mga daluyang ugat sa utak ang nagdudulot ng migraine ngunit, may ilang pag-aaral din ang nagsasabing ito ay dulot ng mga kemikal na inilalabas ng utak na siyang nakaaapekto sa galaw ng mga daluyang ugat na nakapalibot dito. Ito rin ay maituturing na sakit na namamana o hereditary disorder. Ang pasyenteng nakararanas ng migraine ay may 50% posibilidad na makapagpasa ng sakit sa kanyang anak. Kung ang parehong magulang naman ang may sakit, 75% ang posibilidad ng pagpasa sa kanilang anak.
Ang mga sumusunod ang ilang maituturing na trigger sa pagsimula ng migraine:
Emotional stress — ang matitinding emosyon tulad ng pagkabalisa, pag-aalala, labis na kalungkutan o kaya ay sobrang kagalakan ay maaaring magdulot ng emotional stress. Dahil dito, maaaring maglabas ng kemikal ang utak na siya namang sanhi ng pananakit ng ulo.
Kemikal sa pagkain — may ilang pagkain at inumin tulad ng alak at preserved food ang nagtataglay ng mga kemikal tulad ng nitrates at monosodium glutamate na siyang nakapagpapasimula ng migraine.
Caffeine — ang sobrang caffeine na nakukuha, partikular sa kape at energy drinks kapag natapos na ang epekto ay maaaring makapagdulot ng pananakit ng ulo.
Pagbabago sa panahon — ang ilang pagbabago sa kapaligiran na sanhi ng pagbabago sa panahon tulad ng barometric pressure ay isa ring dahilan.
Buwanang dalaw sa mga babae.
Matinding pagod.
Pababagu-bago ng oras ng pagtulog.





Comments