Oks lang ‘yan — Palasyo | ‘PINAS, BAYAD-UTANG SA CHINA

WALANG nakikitang problema ang Malacañang na gawing kolateral ang pag-aari ng estado sa pag-utang sa China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pangkaraniwan lang na magkaroon ng probisyon sa P3.6 billion loan agreement sa China na maaari nitong kunin ang pag-aari ng gobyerno sa sandaling mabigo ang bansa na magbayad.
Gayunman, tiwala si Panelo na mababayaran ng Pilipinas ang naturang utang.
“What I’m saying is the onerous conditions that some are saying incorporated in the contract is standard between lender and borrower to be sure that the lender will be getting what they have lent to the borrower,” sabi ni Panelo sa press briefing sa Palasyo.
“Hindi ba, ‘pag nag-uutang tayo, meron ba tayong say? When we [take out a] loan from the bank, it’s always the terms of the bank. Natural lang iyon na they will make sure na hindi sila malulugi sa kanilang ipinautang sa atin,” paliwanag ni Panelo.
Matatandaang, nagbanta si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na posibleng kunin ng China ang mga ari-arian ng bansa at gobyerno kapag nabigo ang Pilipinas na magbayad ng utang.
Kasama sa pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa pag-utang sa China ang tinatawag na ‘patrimonial assets and assets dedicated to commercial use’, na kinabibilangan ng rich gas field sa Reed Bank, na pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa South China Sea.





Comments