top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Kakulangan sa kaalaman ng mga guro, malaki ang epekto sa mga mag-aaral!

Win Gatchalian
Mar 26, 2019
2 min read

MALAWAK at malaki ang gampanin ng mga guro dahil nakasalalay sa kanila ang tagum­pay ng kanyang mga mag-aaral ngunit, pagsu­bok na maituturing kung mayroong kakulangan sa kaalaman o abilidad sa paksang kanilang itinu­turo. Hindi pamilyar ang iba sa atin ngunit, ito ang isa sa kinahaharap natin ngayon.

Ayon sa pag-aaral ng World Bank noong 2016 tungkol sa pagsukat sa kalidad ng pag­tuturo ng mga guro sa Pilipinas, nakita ang mababang score ng mga guro sa elementary at high school kung saan 50% lamang ang pasado sa Math at Science tests.

Ayon sa Teacher Performance on Content Knowledge Assessment na inilabas ng The Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) noong 2014, 75% ang kaalaman ng mga Grade 6 teacher sa paksang English, samantalang, ang Grade 10 teachers naman ay 45%.

Dahil ang medium of instructions o ang ka­raniwang ginagamit na lengguwahe ng mga guro sa pagtuturo ng Math at Science ay Ingles na talaga namang mahalaga na kanilang paig­tingin at paghusayin pa ang kaalaman at karu­nungan sa English sa anumang antas sila nag­tuturo.

Para sa Math, ang mga score ng Grade 6 teacher ay 44%, habang 37% naman ang Grade 10 teachers. Ang bilang nang nakasagot ng tama sa paksang Filipino sa mga Grade 6 teacher ay 23%, samantalang, 33% sa mga Grade 10 teacher.

Bukod pa rito, pagdating sa resulta ng Licensure Examinations for Teachers (LET), ayon sa ulat ng Professional Regulations Com­mission (PRC) noong nakaraang taon, sa ka­buuang 149,073 na kumuha ng pagsusulit ay 32,183 (22%) lamang ang mga elementary teacher na nakapasa.

Habang 83,739 (41%) LET passers ang nakapasa sa 203,255 LET takers ng parehong taon sa high school level.

Sa madaling salita, nakikita natin na talagang nakaaalarma ang mabababang resultang ito sa apat na mga paksang nabanggit at bumababa ang kalidad ng pagtuturo sa ating bansa.

Huwag nating hintayin na tuluyang mahigi­tan ng mga mag-aaral ang kanilang mga guro pagdating sa kaalaman at karunungan sa aka­demiks.

Mahalagang matukoy natin kung ano ang dahilan o motibasyon sa mga pangyayaring ito.

Malinaw na ang estado ngayon ng basic education ay nangangailangan ng agarang aksiyon.

Hudyat ito ng pangangailangang malaliman at masusing pagsusuri at pagtutulungan ng mga paaralan at gobyerno upang masolusyu­nan ang suliraning ito.

Kaya ating ipinapayo sa Department of Education (DepEd) at mga paaralan na maging aktibo sa paghahanap ng mga paraan para maiangat ang kakayahan ng mga guro sa kanilang larangan.

Gawing makabuluhan ang training ng mga guro sa pre-service at in-service at magpokus sa content training, lalo na sa paksang English, Science, Math at Filipino.

Alang-alang sa pagpapabuti ng kinabu­kasan ng kabataan at kapakanan ng ating bayan, kinakailangan ang diskarte, pagkamalikhain at determinasyon.

Sa kabila ng lahat ng ito ay naniniwala tayong tataas din ang kalidad ng pagtuturo sa lalong madaling panahon.

Anuman ang mang­yari, saanman human­tong ang ating pagsasaliksik at pag-aaral ay patuloy tayong gagawa ng aksiyon, batas at polisiya hanggang sa maitama ang anumang mali o pagkukulang sa sistema ng sektor ng edukasyon sa bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page