Kung ipinagbabawal ng batas ang pagtatanggal ng stalactites sa kuweba

Dear Chief Acosta,
May batas bang nagbabawal sa pagtatanggal ng stalactites sa mga kuweba? Nais sana naming gawing pahingahan ang kuwebang malapit sa aming bahay kaya kailangan naming tanggalin ang stalactites dito. — Leonil
Dear Leonil,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 9072 o mas kilala sa tawag na National Caves and Cave Resources Management and Protection Act. Nakasaad sa Section 7 nito na:
“Section 7. Prohibited Acts - The following shall be considered Prohibited Acts.
x x x
a) Knowingly destroying, disturbing, defacing, marring, altering, removing, or harming the speleogem or speleothem of any cave or altering the free movement of any animal or plant life into or out of any cave […]”
xxx
Samakatwid, ipinagbabawal ng batas na ito na sirain, abalahin, baguhin, tanggalin o pinsalain ang mga speleogem o speleothem ng mga kuweba. Ang stalactite ay isang uri ng speleothem na matatagpuan sa mga kuweba. Nakasaad din sa R.A. No. 9072, partikular sa Section 8 nito na ang sinumang lumabag ay maparurusahan ng pagkakakulong ng dalawang (2) taon hanggang anim (6) taon. Maaari rin silang magmulta ng halagang dalawampung libong piso (P20,000) hanggang limandaang libong piso (P500,000). Maaari ring maipataw ang parehong kaparusahan batay sa diskresyon ng korte. Higit pa rito, ang sinumang nagbigay ng kapital para maisakatuparan ang mga ipinagbabawal ng batas na ito ay maparurusahan ng pagkakakulong na anim (6) taon at isang (1) araw hanggang walong (8) taon o pagmultahin ng halagang limandaang libong piso (P500,000) hanggang isang milyong piso (P1, 000,000). Maipapataw ang parehong parusa base sa diskresyon ng korte. Maaari ring ipag-utos ng korte ang rehabilitasyon ng nasirang lugar o pagbayarin ng danyos ang nakasira nito.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments