Kontra doble-plaka | MGA RIDER NAG-‘PEOPLE POWER’
- BULGAR

- Mar 25, 2019
- 1 min read

LIBU-LIBONG motorcycle riders sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa ang nagtipun-tipon kahapon para magsagawa ng “Unity Ride” bilang pagpoprotesta sa bagong batas na nag-uutos ng paglalagay ng pinalaking plaka sa harap at likod ng motorsiklo.
Kabilang sa nakapaloob sa Republic Act No. 11225 o Motorcycle Crime Prevention Act ang paglalagay ng pinalaking mga plaka na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 8.
Gamit ang mas malaking plaka na nababasa mula 15 metro at color-coded base sa rehiyon, layon ng batas na mapigilan ang krimeng ginagawa ng mga nakamotorsiklong salarin.
Ayon sa mga organizer, tinatayang nasa 50,000 riders ang lumahok sa “Unity Ride” kung saan binaybay ng mga rider ang EDSA mula sa People Power Monument at umabot hanggang sa Senado sa Pasay.
Unang sinabi ni Motorcycle Rights Organization Chairman Jober Bolanos na delikado ang paglalagay ng malalaking plaka sa harap ng motorsiklo dahil maaari umanong matanggal ang plaka kapag mabilis ang takbo ng rider, gayundin na maaari itong tumama sa ibang motorista o pedestrian.
Inireklamo rin ng mga rider ang mataas na multa na aabot sa P50,000 hanggang P100,000 sa pagtakip ng nakaw na plaka.
Nakikiisa rin ang 3,000 riders mula Central Luzon sa Unity Ride sa San Fernando, Pampanga.
Nagsagawa rin ng Unity Ride ang libu-libong riders mula Batangas, Laguna at Quezon Province habang daan-daang riders ang nagprotesta sa Albay, Iloilo, Negros Occidental at Zamboanga. (BRT)





Comments