top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Aksaya lang sa pera, panahon at trabaho | Pag-uusap ng gobyerno at CPP-NPA, wa’ ‘wenta!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 25, 2019
3 min read

WALA naman talagang saysay ang mga pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at Commu­nist Party of the Philippines (CPP).

Nagsasayang lang tayo ng pera, panahon at trabaho para sa “peace talks” na madalas ay sa ibang bansa pa ginagawa. Sosyal ang mga komunista, mahilig sa biyahe!

Ilang administrasyon na ba ang nagtang­kang magkaroon ng kasunduan sa mga pulahan at umu­wing luhaan? Lahat ng naging gobyerno ng Pilipinas ay nagtangka, 50 taon nang umaasa sa wala.

Walang pag-asa ang ganitong mga pag-uusap. Ang dahilan ay simple lang, magkaiba sila ng ideolohiya. Ang Republika ng Pilipinas ay naniniwala sa “rule of law” — sa batas at kapayapaan sa buong bansa.

Taliwas dito ang gusto ng CPP. Ang tanging am­bisyon ng mga komunista ay makaagaw ng ka­pangyarihan para sila ang maupo sa Mala­cañang, ganu’n lang kasimple ‘yun, ‘ika nga nila, “power for power’s sake.”

Kaya hindi ititigil ng CPP ang kanilang arma­dong pakikibaka sa gobyerno, gayundin ang militar nitong New People’s Army (NPA) na hindi ibaba ang ka­nilang mga armas.

Kaya “useless” lang ang peace talks. Unang hinihingi ng gobyerno ay tigilan ang pagpatay sa mga sundalo at pulis at ang pangingikil sa ilang kumpanya para hindi lusubin ng NPA.

Hindi papayag ang CPP-NPA na ibaba ang kanilang armas. Alam nilang kapag nawalan sila ng armas ay mawawalan na rin sila ng ma­kuku­hang pera mula sa mga tinatakot nilang negos­yante at lokal na opisyal.

Noong bata pa tayo, para tayong “romanti­ko” na ma­kibaka at makiisa sa ipinaglalaban ng mga komunista.

Ang pangunahin nilang layu­nin noon ay “land reform” o ang pagbibigay ng lu­pain sa mga magsa­saka at ordinaryong Pili­pino. Pero sa tingin ninyo, gagawin pa rin kaya nila ito kapag nasa kanila na ang kapangya­rihan?

Palagay natin, magiging mala-North Korea lang tayo kapag sila ang mananalo, isang ko­munistang bansa kung saan walang kalayaan ang mamamayan at mahina ang resistensiya ng mga tao dahil walang makain.

Maraming pari at madre ang todo-simpatiya sa mga komunista, hindi ba ninyo alam na wa­lang pa­niniwala sa Diyos ang CPP-NPA? Ang una nilang gagawin ay ipasasara ang mga Sim­bahan at ipapa­patay lahat ng tauhan nito simula sa mga Obispo.

Inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal na pagtatapos ng mga dayalogo sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA noong isang linggo. Hindi na raw niya pakikinggan kung sinuman ang may gustong mag-ahente para sa CPP-NPA.

Kausapin na lang ninyo ang susunod na pangulo, dagdag pa ni P-Duterte. Nagkamali si Jose Maria Sison, “bossing” daw ng CPP-NPA na nang-away at nambastos kay P-Duterte.

Napakalakas pa naman ng simpatiya ni P-Du­­terte sa mga pulahan, pero nawala ito nang makita niyang patuloy na pinapatay ng NPA ang mga sundalo at pulis, lalo na ang mga na­kadestino sa Mindanao.

“Sinasabi ko naman sa mga komunista, hindi na­man kayo marunong mag-distribute ng lupa. Ako, ginagawa ko ito (ang land reform) mula nang ma­ging pangulo ako,” sabi pa ni P-Duterte. Umaasa ang taumbayan na sa desisyong ito ni P-Duterte ay tuluyan nang mali­lipol ang CPP-NPA, pati na rin ang mga puli­tikong kasama sa National Democratic Front (NDF).

Kamakailan lang, nahuli at sinampahan ng kasong kriminal si NDF Peace Consultant Renante Gamara at dating pari na si Fr. Arturo Joseph Balagat.

Ang kasong kinahaharap ng mga komunista ay illegal possession of firearms and explosives matapos mahuli sa Imus, Cavite na may dalang 9mm pistol, dalawang granada, dokumentong subersibo at P90,000 cash.

Noong 2012, naaresto si Gamara matapos masangkot sa pagkamatay ni Pfc. Eriberto Ec­lavea sa Mauban, Quezon at sa pagta­tangka na pag­patay sa dating komunista na umayaw na sa pamumundok at pakikibaka.

Sana, sa mga natitira pa riyang mga komu­nista ay tigilan na ninyo ang inyong kampan­yang-bayolente.

Walang mangya­yari sa ating bansa kung patuloy ninyong pipi­gilan ang pag-unlad nito sa pamamagitan ng inyong pagpatay sa mga pulis, sundalo at ka­pwa komunista.

Magtayo na lang kayo ng kooperatiba para sa mga magsasaka at iba pang manggagawa sa sektor ng agrikultura.

Gamitin na lang ninyo ang inyong ka­ranasan para mapabuti ang buhay ng mga kapwa natin Pilipino sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa batas ng bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page