Pagsisimula ng bagong contribution rate ng SSS, alamin!

Dear SSS,
Magandang araw! Nabalitaan kong mayroong bagong batas ang SSS at sa ilalim nito ay magtataas ng kontribusyon. Nais kong malaman kung kailan ang simula ng bagong contribution rate? Salamat! —Mia ng Taguig City
Sagot
Para sa inyong katanungan, simula sa Abril 1, ipatutupad na ang bagong contribution rate. Magiging 12% na ang contribution rate sa SSS mula sa kasalukuyang 11%. Bunga nito, tataas ang savings o maiipon ng miyembro para pagdating ng panahon, matatamasa nila ang mas mataas na benepisyo sa pagreretiro.
Ang pagtataas ng kontribusyon ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Batas Republika 11199 o Social Security Act of 2018. Mula sa kasalukuyang 11% ay itataas ng 1% kada dalawang taon hanggang sa umabot ito ng 15% sa 2025.
Nais nating ipaunawa na ginagawa ito ng SSS upang tulungang makapag-ipon ang manggagawa para sa kanilang pagreretiro. Pinakamabuting magsimulang mag-ipon ngayong malalakas pa tayo upang pagdating ng panahon ayon sa kasabihan ay mayroon tayong madudukot.
Halimbawa, ang isang empleyado na sumasahod ng P10, 000 kada buwan. Tataas ang employee share ng P36.70 mula sa kasalukuyang P363.30, ito ay magiging P400. Habang ang employer share naman ay tataas ng P63.30, mula sa kasalukuyang P736.70, ito ay magiging P800.
Kasabay ng pagtaas ng contribution rate, iaangat din ang Monthly Salary Credit (MSC) o ang salary level na pinagbabatayan ng halaga ng buwanang kontribusyon. Magiging P2, 000 ang pinakamababang MSC at P20, 000 naman ang pinakamataas na MSC.
Bunga ng pagtaas ng contribution rate at MSC, tataas din ang halaga ng mga benepisyo at prebilehiyo sa ilalim ng SSS.
Halimbawa, ang miyembro na sumasahod ng P20,000 kada buwan at nakapagbayad ng 12 kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay makakukuha ng P600 kada araw na sickness benefit mula sa kasalukuyang P480 kada araw,
Tungkol naman sa pensiyon, tingnan naman natin ang kaso ng isang miyembro na sumasahod ng P20,000 kada buwan at nakapaghulog ng 120 kontribusyon, ang pinakamababang bilang ng kontribusyon upang maging kuwalipikado sa pensiyon. Sa ilalim ng lumang MSC na may maximum na P16, 000, siya ay tatanggap ng buwanang pensiyon na P6, 400 subalit, sa ilalim ng bagong MSC na ang maximum ay P20,000, tatanggap siya ng P8,000 na pensiyon kada buwan.
Kaakibat ng pagtataas ng kontribusyon at MSC ay tataas hindi ang halaga ng benepisyong makukuha ng miyembro sa SSS. Nawa’y maunawaan ng ating mga miyembro na sila rin ang makikinabang sa inihuhulog nila sa SSS.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments