Matapos ang madugong pamamaril, "assault weapon" sa New Zealand, aalisin na!

SINO ang responsable kung bakit walang Civil Engineer sa Board of Trustees (BOT) ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS)?
Nadiskubre ito sa pagdinig ng Senado tungkol sa nangyaring ‘water shortage’ sa Metro Manila. Anim na abogado, isang Chemical Engineer at dalawang retiradong heneral, ito lamang ang miyembro ng BOT ng MWSS. Ang tanong ng isang senador, paano matutukoy ang problema sa kakulangan ng tubig kung hindi naman mga inhinyero ang miyembro ng BOT, paano nila ito masosolusyunan? Idaraan sa pagiging abogado, sundalo o inhinyero ng mga kemikal.
Ito ang mahirap kapag naglalagay lang ng mga kaibigan o retiradong heneral sa kung saan-saang ahensiya ng gobyerno — kaibigan, kababayan o sumuporta sa pangulo noong halalan. Akala natin, hindi ito gagawin ni P-Duterte dahil kung maaalala natin ay ipinahayag niya ito sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), pero sa kinalaunan ay gayundin ang nangyari. Dapat may karapatan ang sinumang nasa iba’t ibang posisyon sa gobyerno para matukoy ang mga problemang may kaugnayan sa kagawaran o ahensiyang pinagsisilbihan.
◘◘◘
Agad kumilos ang gobyerno ng New Zealand matapos ang madugong pamamaril ng isang “white supremacist” sa dalawang Mosque sa Christchurch noong nakaraang Linggo. Ayon sa ulat, 50 umano ang namatay at marami ang sugatan sa nasabing krimen na nakuha pa ng salarin na i-livestream sa social media. Kumilos na si Prime Minister Jacinda Ardern para ipagbawal ang mga assault weapon sa bansa. Ito ang uri ng baril na ginamit ng salarin para mabilisang makapatay ng tao.
Ayon sa CNN, maraming baril sa New Zealand, pero sa panukala ni Ardern, ipagbabawal na ang mga uri ng baril na ginamit ng salarin at baka bawiin din ang mga naibenta na. Ayon sa CNN, hindi mahirap mangyari ito dahil sa sistema ng gobyerno sa New Zealand kung saan mas mabilis maipatutupad ang mga pahayag ng punong ministro. Ikinumpara ito sa Amerika na kahit ilang beses nang nagkaroon ng madugong barilan kung saan-saan, eh, wala pa ring nagbabago sa kanilang “karapatan na magdala ng armas”.





Comments