LAGUNA PROVINCE, HARI SA 2019 BP LUZON LEG


MULING inangkin ng Laguna Province ang pangkalahatang titulo kontra sa 2017 Luzon leg at 2018 National champion Baguio City sa pagtatapos ng 20 pinaglabanang sports sa ginanap na 2019 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg sa Ilagan, Isabela.
Umarangkada ang pinakaunang nag kampeon nang ilunsad ang Batang Pinoy noong 1999 na Laguna Province sa huling araw ng kompetisyon sa pagwawagi sa badminton at athletics.
Umalagwa ang Laguna Province sa kabuuang 38 ginto, 35 pilak at 36 na tanso para sa 109 medalya tungo sa pagputol sa mahabang panahon na 20 taong pagkakatulog para muling ipakita ang kahusayan sa sports.
Pumangalawa ang Baguio City sa 36 ginto, 47 pilak at 60 tanso para sa 143 medalya pero dinomina ang boxing.
Nagwagi rin ang Laguna Province ng ginto mula kay James Brylle Ballester sa 800m (2:06.2s), sa girls 4x400m at 4x100 relay team nina Janine Dauba, Vita Ruth Belloso, Kyla Elona at Magvrylle Matchino, Rowee Bryan De Luna sa 400m boys at sa badminton Under-13 singles ni Andrea Princess Hernandez at doubles kasama si Roshiela Quirez.
Nagtala ng impresibong panalo ang magkapatid na sina Clark at John Wayne Vicera para sa Lucena.
Itinala ng 12-anyos na si Clark ang referee-stopped-contest sa round 2 kontra Lemour John Manalad ng Taguig sa School Boys Mosquito (38kg) habang pinaayaw ng mas nakakatanda na si John Wayne si Dan Joseph Asug ng Dagupan sa boxing.
Si John Wayne ang tinanghal na 2018 BP National champion sa school boys light pinweight (44kg) habang ginto si Clark sa kompetisyon na para sa mga in at out-of-school na kabataang atleta edad 15 pababa. Nagwagi ang Dasmariñas City sa Mariveles sa basketball boys 15-under sa 101-97 panalo. (ATD/MC)





Comments