top of page
Search
  • BULGAR

Babala sa mga mayroong dugo ang dumi!

Dear Doc. Shane,

Mahigit anim na taon na akong nagta­tra­baho bilang OFW ngunit, kasalukuyan akong nasa Pilipinas para magbakasyon. Nitong mga nakaraan linggo, madalas kong iniinda ang pananakit ng aking tiyan, lalo na kapag ako ay dumu­rumi. Napansin ko rin na mayroong dugo ang aking dumi, ayon sa bunso kong kapatid na nag-aaral ng me­di­sina, palatandaan daw ito ng colon cancer. Nababahala ako dahil ilang linggo na lang ay babalik na ulit ako sa Jeddah. Maa­ari ba ninyong paki­talakay ang tungkol sa colon cancer? Paano malalaman kung mayroon nito, gayundin kung paano ito ginagamot? — Karli

Sagot

Ang colon cancer ay cancer ng malaking bituka (large intestine). Ito ay nasa ibaba o panghuling bahagi ng sistemang panunaw o digestive system ng ating katawan. Ang rektal na kanser naman o cancer sa tumbong ay nasa huling 15 cm. na bahagi ng malaking bituka. Kapag magka­sama, ito ay karaniwang tinataguriang kolorektal cancer (colorectal cancer).

Ang kolorektal cancer ay pangatlo sa pinakalaganap na cancer sa Pilipinas at maging sa buong mundo. Ang cancer sa colon ay lub­hang nakamamatay subalit, ito ay maaaring mabigyan ng lunas kung maaagapan.

Pangkaraniwan, ang colon cancer ay nag­si­simula bilang maliit na polip (polyp). Ito ay para lamang maliit na butlig o nunal sa loob ng malaking bituka. Sa paglipas ng maraming taon, ang ilan sa mga polip na ito ay maaaring maging cancer. Bihirang may sintomas na mara­ram­daman kapag may­roong polip. Ang pina­ka­mainam na gawin ay regular na magpasuri sa doktor upang maalis ang mga polip bago pa ito maging colon cancer.

Paano malalaman kung mayro­ong colon cancer?

Maraming kaso ng colon cancer ay wa­lang sintomas, baga­mat, ang mga sumusu­nod ay maaaring ma­ging palatandaan nito:

  • Mga pagbabago sa ugaling pagdumi — maaaring pagtatae (diarrhea) o pagtitibi (constipation).

  • Dugo o bahid ng dugo sa dumi.

  • Walang lubay na pananakit ng tiyan o puson at pagkakaroon ng kabag (gas or cramps).

  • Pananakit ng tiyan/puson habang dumuru­mi.

  • Pakiramdam na parang hindi lubos ang pagdumi.

  • Hindi maipaliwa­nag na anemia o pagku­kulang sa dugo.

  • Panghihina at pagkahapo.

  • Pagbaba ng tim­bang na walang mai­paliwanag na dahilan.

  • Pagkitid ng sukat ng dumi.

  • Pagkaduwal (nausea) at pagsusuka.

Sa pamamagitan ng tamang pagsusuri, ang colon cancer ay maaaring matuklasan bago pa magkaroon ng mga sintomas, kung kailan ito ay pinaka­madaling maagapan at mapagaling.

Paano sinusuri ang colon cancer?

Ang colon cancer ay dapat matuklasan nang maaga habang wala pang sintomas. Ito ay maa­aring matamo sa pama­magitan ng pagsusu­ri gamit ang colonosco­py; fecal occult blood test (FOBT) na may kasa­mang flexible sigmoidoscopy; barium enema o CT virtual colono­scopy.

Sa isang banda, kung mayroon ng narara­nasang mga palatandaan ng colon cancer o po­lip, ang colonoscopy ang naaangkop na gamitin. Kung ang polip ay matagpuan, ito ay maaari nang tanggalin at ipasuri sa laboratory upang malaman kung ito ay malignant. Ang pagtanggal ng mga polip ay makatutulong upang ito ay hindi na maging cancer sa paglipas ng mga taon. Ganito rin ang gagawin kung tumor ang matagpuan sa bituka.

Paano mapagagaling ang colon cancer?

Ang pangunahing lunas sa colon cancer ay operasyon (surgery). Ang mga bahagi ng bituka na apektado, gayundin ang mga kulani ay tatanggalin. Kung ang cancer ay maliit pa, ito ay puwedeng gamitan ng minimally-invasive laparoscopic surgery. Bukod sa maliliit ang butas, ito ay hindi gaanong masakit at mas mabilis ang pagpapa­galing. Ang ibang kaso ng cancer ay maaaring mangailangan ng chemo at radiation therapy.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page