top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Ampatuan, guilty na sa korupsiyon, pinalaya pa!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 24, 2019
2 min read

IMBES NA SUPORTAHAN ANG KASO VS. CHINESE PRES. XI JIN­PING, NAG-ALA-SPOKESMAN PA NG CHINA SI P-DUTERTE? — Sinampahan ng kasong crime against humanity nina ex-Ombudsman Conchita Morales at ex-DFA Sec. Albert del Rosario si Chinese Pres. Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pananakit, pananakot at pagtaboy sa mga mangingisdang Pinoy sa kasagsagan ng pagtatayo ng istruktura sa West Philippine Sea (WPS).

Dahil mga mangingisdang Pinoy ang biktima, dapat ang ginawa ni P-Duterte bilang pangulo ng Pilipinas ay sinuportahan niya ang kaso, pero hindi at sa halip, nagmistula siyang spokesman ng China nang ismolin ang kaso na kesyo wala raw patutunguhan ang isi­nampang kaso nina Morales at Del Rosario laban kay Jinping, boom!

◘◘◘

WORLD CLASS SENATORS ANG KAILANGAN NG MAMAMAYAN HIN­DI WORLD CLASS SENATE BUIL­DING — Ipinagmalaki ng Senado na “world class” daw ang 4-tower Senate building worth P4.58 billion na itatayo sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Imbes na ang public funds na ‘yan ay ilaan sa mga programang may kinalaman sa kalusugan at edukasyon, eh, sa kapritsong world class Senate building ng mga senador inilaan at siyanga pala, hindi naman “world class Senate building” ang kailangan ng ma­mamayan kundi mga “world class” na sena­dor, period!

◘◘◘

AMPATUAN, GUILTY NA, PINAG­PIYANSA PA — Guilty ang naging hatol ng Sandiganbayan kay ex-Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan kaugnay sa kinahaharap nitong P37 million graft case at ang hatol sa kanya ay habambuhay na pagkabilanggo, ga­yunman ay pinahintulutan pa rin siya ng korte na maglagak ng P1.5 milyon piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

‘Yan ang justice system sa Pilipinas, kapag maimpluwensiya at mapera ang akusado kahit guilty at hinatulan ng habambuhay na pagka­bilanggo, pinagpipiyansa pa rin para maka­laya, buwisit!

◘◘◘

P1.1 BILYON SHABU NA GALING MINDANAO, DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO — Kinumpirma ng PDEA na galing daw sa Mindanao ang P1.1 billion worth ng shabu na kanilang nakumpiska sa tatlong Chinese nationals sa Alabang.

Aba, kung sa Mindanao galing ‘yan, dapat imbestigahan ‘yan ng Senado kasi baka may kinalaman na naman d’yan ang “Davao Group” na nasangkot din noon sa P6.4 bilyon shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC), period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page