TNT, BINANGGA ANG DYIP CASTRO AT PEREZ, BIRADOR


IPINAKITA ng TNT KaTropa ang kanilang tikas sa endgame upang kalusin ang Columbian Dyip, 101-98 kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Ynares Center, Antipolo.
Nagtala si point guard Jayson Castro ng 20 points at pitong assists upang pindutin ng KaTropa ang five-game winning streak at ilista ang 7-3 record.
Bumira si super rookie CJ Perez ng 22 markers at 9 na boards para sa Dyip na nalasap ang pang-pitong talo sa 11 salang.
Umarangkada agad ang TNT sa unang dalawang canto, kinapitan nila ang 10-point lead 47-37 sa halftime. Nagpatuloy ang pananagasa ng KaTropa sa third period, tinipa nila ang 33-30 para umalagwa sa 13 puntos ang kanilang bentahe, 80-67 pagpasok ng 4th quarter.
Samantala, parehong mainit ang Barangay Ginebra at NLEX, galing sila sa two-game winning streak pero isa sa kanila ang magpapatuloy sa panalo. Magkatapat ang Gin Kings at Road Warriors ngayong 5 p.m. sa AUF Sports Arena & Cultural Center.
Tangan ang 5-3 karta, paniguradong sasampa sa eight-team quarterfinals ang crowd favorite Barangay Ginebra kapag nakuha nila ang panalo.
Muling kakapitan ng Gin Kings ang kanilang twin tower na sina Greg Slaughter at Japeth Aguilar kasama sina iron man LA Tenorio at Scottie Thompson. Nagtala si Aguilar ng 16 points at 12 rebounds habang may 11 markers at pitong boards si 7-foot-0 Slaughter sa huling panalo ng Gin Kings kontra Magnolia Hotshots. (ATD)





Comments