PINOY MUAY THAI VISPERAS, SILVER SA 16TH WORLD C’SHIPS


KUMALAWIT ang pambato ng Pilipinas na si Arjay Visperas ng silver medal sa 48kgs (youth) sa katatapos na World Muay Thai Federation (WMF) 16th World Muay Thai Championships na ginanap sa The Bazaar Hotel, Bangkok, Thailand noong Marso 12 – 20.
Ang torneo ay inorganisa ng World Muay Thai Federation sa pamumuno ni Lt. Gen. Akachai Chantosa na may basbas ng Olympic Committee of Thailand at Sports Authority ng Thailand.
Sa kanilang semifinal match ay tinalo ni Arjay Visperas si Anyar Sadique ng India sa pamamagitan ng puntos subalit bigo siyang talunin si Lazurovo Amirkhon ng Uzbekistan nang magupo siya sa puntos matapos ang 3 rounds ng kanilang final match.
Ang torneo ay nilahukan ng 38 bansa na dapat sana ay 43 ang kasali pero atras ang iba. Si Arjay Visperas ay 16-anyos at Grade 10 ng Aurora National High School ng Aurora Province.
Ang delegasyon ay pinangunahan ni Rolando Catoy bilang head, team manager naman si Wilson Oropilla, tumayong coach si Allan Visperas, ama ni Arjay Visperas. Ang grupo ay binuo at tinustusan ni Muay Thai aficionado Atty. Christian Noveras ng Aurora Province. (MC)





Comments