Paalala sa publiko, para sa mas mapayapang halalan 2019, mga armas at baril, i-surrender!

UMABOT na sa mahigit 3,000 indibidwal ang lumabag sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) nationwide, ito ay alinsunod sa ikinasang checkpoint operations sa buong bansa.
Nakababahala dahil kahit alam na ng lahat na may ipinatutupad na gun ban ay nagdadala pa rin sila ng kanilang baril na panlaban sa umano’y may masamang tangka, lalo na at kaliwa’t kanan ang patayan, partikular na ng mga kandidato sa nalalapit na halalan.
Gayunman, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Bernard Banac na sa kabuuang bilang ng mga nahuli kasama rito ang 44 governments elected officials kung saan nakadidismaya dahil sila dapat ang numero-unong sumusunod sa batas pero bakit sila pa itong lumalabag? Naku!
Dagdag pa rito, ang mga nahuling elected official ay kinabibilangan ng barangay chairman, barangay kagawad at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Samantala, nasa 2,603 firearms ang nakumpiska at 22,930 rito ay mga deadly weapon.
Bagama’t, dumarami ang bilang ng mga taong nagpapasaway, inaasahan pa rin ng PNP na magiging mapayapa ang local campaign period na magsisimula na ngayong March 29.
Maliban pa rito, suspendido na umano ang lahat ng renewal ng lisensiya maging ang Permit-to-Carry Firearms Outside Residence, kaya kung expired na ang mga lisensiya ng inyong baril ay ibigay muna ito pinakamalapit na police stations para sa safekeeping.
Sa ngayon, 32 pulis na lumabag sa gun ban ang sinampahan na ng kasong administratibo at nasa 20 election related violent incidents naman ang naitala ng PNP simula ng election period noong Enero.
Kaya ang panawagan natin sa publiko, gayundin sa mga opisyal, makiisa para sa mas maayos at tahimik na halalan!
Huwag nating hayaang madagdagan pa ang patayan na nararanasan natin sa kasalukuyan gamit ang baril na ngayon ay ipinagbabawal.
Sunud-sunod din ‘pag may time para mabawasan ang problemang kinahaharap ng lahat ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments