LSGH KONTRA NAZARETH NU, AGAWAN NG KORONA SA NBTC
- A. Servinio
- Mar 23, 2019
- 1 min read

MAGTUTUOS ang La Salle Green Hills at defending champion Nazareth School of National University para sa korona ng 2019 Chooks-To-Go National Basketball Training Center (NBTC) National Finals matapos talunin ang kanilang mga hiwalay na kalaban kahapon sa MOA Arena.
Unang nanalo ang LSGH sa FEU, 87-77 at sinundan ng pagpasok ng NU kontra San Beda University-Rizal, 91-90.
Makapigil-hininga ang pagwakas ng laban nang ipasok ni Gerry Abadiano ng NU ang bola na may dalawang segundong nalalabi sa orasan, 91-89.
Tumawag agad ng timeout si Coach Manu Iñigo ng SBU at biglang binigyan ng foul ni Terrence Fortea si Anfernee Estacio sabay tunog ng final buzzer.
Subalit ang saya ng Red Cubs ay pinalitan ng lungkot matapos hindi ipasok ni Estacio ang unang free throw pero pinasok ang pangalawa upang hindi magbago ang resulta. Sinayang ng NU ang kalamangan noong halftime, 67-34, at pinahabol ang SBU sa pangunguna ng dating Bullpups na si Rhayyan Amsali na pinasok ang 20 ng kanyang 26 puntos at 10 rebound.
Namuno sa panalo si Abadiano na may 23 puntos at apat na agaw. Sinundan siya nina Cyril Gonzales at Fortea na parehong may 18 puntos. Ginulat ng LSGH ang FEU nang ipasok nila ang injured na NCAA MVP Joel Cagulangan sa huling quarter matapos hindi maglaro ng buong torneo.
Gumawa agad siya ng 8 puntos upang manatili ang kalamangan sa Greenies at maibsan ang muling pagputok ni RJ Abarrientos na gumawa ng 13 sa kanyang 38 puntos.





Comments