top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Kahalagahan ng 40 araw para sa mga Kristiyano

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 23, 2019
3 min read

NAMATAY noong isang araw ang anak ng presidente ng Parish Pastoral Council ng parokyang pinagling­kuran natin mula noong 1992 hanggang 1996. Noong mga nakaraang taon, naunang namatay ang kanyang tatay. Noong burol ng kan­yang tatay, naroroon siya at kakuwentuhan natin, mabilis ang mga pangyayari, natuklasang mayroon siyang breast cancer noong nakara­ang Oktubre at namatay noong Martes, ika-19 ng Marso. Tiyak na binilang na ng kanyang pamilya ang 40 araw mula ng kanyang pagka­matay. Hindi rin mala­yong maanyayahan tayong magmisa para sa ika-40 araw ng kamata­yan nito.

Noong nakaraang Huwebes, nagsagawa tayo ng misa para sa 40 araw ng kamatayan ng asawa ng isa nating kababata. Ikinasal natin ang mag-asawa mahigit 30 taon na ang nakara­raan. Mabilis ang istor­ya ng kamatayan ng asawa ng ating kababata. Noong Miyerkules ng umaga, nagkaroon ito ng matinding atake ng asthma habang nagtatra­baho. Itinakbo ito sa pinakamalapit na os­pital ngunit, sa kasa­maang-palad, matindi ang trapik kaya nang dumating sa ospital, hindi na humi­hinga ang pasyente. Binigyan ito ng CPR ngunit, nag­karoon ng mahinang pagtibok ang kanyang puso. Kina­bitan ng mga aparato ang pasyente at nagpa­tuloy ang pagti­bok ng puso nito. Hindi naging maganda ang pananaw ng mga doktor, “brain dead” na umano ang pasyente. Ngunit, gina­wa pa rin ng pamilya ang lahat para sa kanilang mahal na asawa’t ina. Nadalaw pa natin sa ICU ang pasyente at noong Sabado, nagtungo tayo sa ospital upang tulu­ngan at samahan ang pamilya sa kanilang desisyon na ihinto na ang mga makinang nagpapanatili sa kan­yang paghinga. Nagda­sal muna ng rosaryo ang pamilya at mga kaibi­gan ng pasyente. Pag­kata­pos ng panalangin ay pinatay na ang “respirator” at wala pang dalawang minuto ay huminto na ang pag­tibok ng puso ng pas­yente. Sa mga sumunod na araw, minisahan natin ang yumao sa burulan hang­gang sa araw ng libing nito. Pagkaraan ng 40 araw, nagmisa tayong muli para sa yumao.

Natatapos na ba ang pagbabawas ng ingay at pagdagdag ng panahon ng katahimikan; ang pag-aayuno at pag-iwas sa lahat ng uri ng karne; sa boluntaryong pagti­tiis ng gutom sa pag­laktaw ng agahan, tanghalian o hapunan; ang taimtim na panala­ngin at pagninilay sa salita ng Diyos; ang pagsisisi at pangu­ngum­pisal; ang paggawa ng maliliit na gawain-kabutihan at pagliling­kod sa mga nangangai­langan?

Mahalaga ang 40 araw, nag-ayuno at nanalangin ng apat na araw si HesuKristo sa disyerto. Sa buong panahong ito, tinukso Siya ng demonyo subalit, nanatili itong matatag at sa huli, hindi nadungisan ang malinis na kalooban ng Pangi­noon. Sa loob ng 40 araw, nanatiling tapat at nagmamahal si Hesu­Kristo sa Kanyang Ama. Ito ang malalim na kabuluhan ng 40 araw. Kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay, bagamat, wala na sila sa ating piling, hindi nawala ang ating pagmamahal sa kanila kaya nakagawian nating magsuot ng kapirasong itim na tela sa ating dibdib sa loob ng isang taon, gayundin, ang iba’t ibang mga kagawian tulad ng siyam na araw, 40 araw at pagba­babang-luksa pagkaraan ng isang taon.

Sa buhay o kama­tayan man, makikita ang lalim ng pagpapahalaga at pagmamahal natin sa mga nauna sa atin. Bagamat, hindi natin nakikita ang pisikal na anyo ng Panginoon, gayundin ang mga nauna sa atin, patuloy na ipinakikita ng maraming Pilipino ang buhay na pagmamahal kay Hesu­Kristo at sa mga mahal na yumao.

Ngayong Linggo, titindi ang ating pag­gunita sa pagpapahirap, lubhang masakit at madugong kamatayan ng ating Panginoon. Maa­ari rin kaya nating tingnan ang paghihirap at hindi nalalayong madugong paghihingalo ng ating mahal na Inang Bayan? Hindi lang ang ating Panginoon ang naghihirap at pinahi­hirapan. Marami nang namatay at pinatay na mga anak ni Inang Bayan. Nanganganib nang patayin ang demo­krasya at kalayaan ng mamamayang puno ng sigla, buhay at pag-asa.

Maaari at nararapat lang na bigyang-halaga at pagmama­lasakit hindi lang ang mga yumao kundi ang buhay ngunit, lubhang nahihi­rapan ang mga kababa­yan at mahal na anak ni Inang Bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page