PETMALU SINA MOJDEH AT DULA, TIG-5 GOLD SA BATANG PINOY LUZON
- BULGAR

- Mar 22, 2019
- 2 min read

ILAGAN, Isabela – Kapwa sumisid ng tig-5 gintong medalya sina Mark Bryan Dula at kakampi na si Micaela Jasmine Mojdeh ng Parañaque City sa pagtatapos ng swimming upang umuwi na may pinakamaraming nasungkit na medalya sa Luzon Leg ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy sa Isabela Sports Complex pool.
Inangkin ng 12-anyos na si Mojdeh ang ginto sa girls 13-15 200m butterfly sa pinakahuling araw ng torneo upang pantayan ang limang gintong iniuwi ni Dula sa boys 12-under dibisyon ng torneo na inorganisa ng PSC para sa mga kabataang atleta sa in-school at out-of-school na edad 15 pababa.
Isinumite ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque swimmer ang 2:25.74 oras para talunin si Mariah Genara Ubaldo ng Laguna Province (2:38.88) at Maglia Jaye Dignadice ng Puerto Princesa City (2:43.69) upang maging ikatlong atleta na nakapagwagi ng 5 gold.
Ang 12-anyos na si Aubrey Tom ay nagtala rin ng 29.46 segundo sa 50m para sa ikalima nitong gintong medalya matapos na magwagi sa 50m fly, 200m IM, 100m free at 50m backstroke para samahan sina Mojdeh at Dula sa matinding grupo ng most medalled athlete.
“Masayang-masaya dahil natalo ko po ang mas matatatandang kalaban ko,” sabi ni Mojdeh, na nagwagi sa 200m and 400m individual medley, 50m at 100m butterfly events. Samantala, itinanghal na “fastest prince” at “princess” sina Justin Angelo Muñoz ng Pangasinan at Erika Marie Ruto ng Calamba City matapos magwagi sa centerpiece event na century dash sa athletics na ginaganap sa City of Ilagan Sports Complex.
Kinailangan na ilang beses rebisahin ang photo finish na labanan sa girls 100m dash upang tuluyang ungusan ng 14-anyos na si Ruto ang nakalaban na sina Kyla Elona ng Laguna Province at Reah Bacani ng host Ilagan City para sa kanyang unang gintong medalya sa multi-sports na torneo para sa kabataang atleta 15-anyos pababa. Pitik ng segundo lang ang naghiwalay kina Ruto na itinala ang tiyempo na 12.6 segundo para sa ginto habang si Elona ay may 12.8 segundo para sa pilak. Ikatlo si Bacani na mayroong 12.9 segundo.
Nakadalawang ginto ang kakampi nito sa Pangasinan na si Rufo Aidan Raguine matapos na walisin ang mga ginto sa long jump at triple jump. Itinala ni Raguine ang 6.63m sa long jump habang 13.28m sa triple jump. Dalawang ginto ang nakuha ni Janine Ladina ng Zambales Province sa pagwawagi nito sa girls discus throw sa inihagis na 29.82m at javelin throw sa 34.23m. (ATD)





Comments