Pampublikong bus na may “honesty system” sa pagbayad ng pamasahe, stop muna!

ITINIGIL na ng pampublikong bus ang kanilang “honesty system” sa pagbayad ng pamasahe dahil 30 porsiyento raw ng mga pasaherong sumasakay ay hindi nagbabayad. Isang linggo pa lang ang lumipas nang simulan ng kumpanya ang ganitong sistema. Aling negosyo ang magpapatuloy kung hindi nagbabayad ang mga sumasakay? Kaya babalik na sila sa sistema ng naniningil na konduktor. Nakalulungkot na ipinakita nitong hindi pa handa ang Pilipinas sa mga ganitong sistema dahil parang pagsusuri na rin ito. Lumabas na tatlo sa sampung Pilipino ang hindi tapat.
Kaya huwag na tayong magtaka kung may mga nagsasabing hindi naman isyu ang katapatan sa politika kung sa isip ng tatlo sa sampung pasahero ay hindi kailangang maging tapat sa pagbabayad. Hindi pa rin tayo matutulad ng ibang bansa kung saan walang konduktor ang mga pampublikong bus, walang guwardiya ang karamihan ng mga establisimyento. Sa totoo lang, hindi pa talaga maaasahan ang ilang Pinoy sa sistemang kailangan ng katapatan.
◘◘◘
Paano naman nakapasok ang mahigit isang bilyong pisong shabu na nahuli umano sa isang bahay na inuupahan sa Ayala, Alabang? Napakalaking halaga nito para hindi mapansin ng Bureau of Customs (BOC). Nakalagay ang mga kontrabando sa mga lata ng biskuwit at tsaa. Pinabayaan lang ba ito ng mga inspektor at hindi man lang naghinala na droga ang laman nito o may alam sila rito kaya nakalusot? Hmmm… Nagtatanong lang, gayunman, saan kaya ang susunod na lugar na mayroong mahuhuling shabu? Mukhang ang mga exclusive subdivision na ang ginagamit na bodega ng mga sindikato para hindi pansinin o mapansin.
Ayon pa sa ulat, mga taga-China na naman daw ang nahuli ng PDEA. Mukhang todo-bigay ang mga sindikato sa China sa pagpasok ng mga shabu sa bansa. Tila alam nila ang lahat ng butas na posible nilang mapasukan. Tila walang epekto sa kanila ang madugong kampanya kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bakit kaya hindi ang mga ‘yan ang buhusan ng galit at mura? Bakit hindi ang mga nahuling ‘yan ang bantaan nang husto?





Comments