Kotse inabandona | 1 KILO NG SHABU, BUKING

ISANG kilo ng hinihinalang high grade shabu ang nadiskubre ng pulisya sa isang abandonadong kotse sa Bustos, Bulacan, kahapon ng umaga.
Natagpuan ang itim na Daewoo at may plakang XKP-622 sa kahabaan ng Bypass Road sa Bgy. Camachilihan, dakong alas-9:30 ng umaga.
Nabatid kay Chief Inspector Ronie Pascua, chief of police ng Bustos na isang impormasyon mula sa concerned citizen ang naiparating sa kanila kaugnay sa pagkakakita sa naturang kotse.
Agad tinungo ng pulisya ang lugar kung saan nakita rin ang susi ng kotse sa ilalim nito malapit sa unahang bahagi ng gulong sa harapan.
Nang buksan ang trunk ng kotse, tumambad ang nasa isang kilo ng shabu na nakapaloob sa plastic bag at may Chinese markings.
Ayon kay Pascua, posible umanong bahagi ng nasa mahigit P1-B halaga ng shabu na unang nakumpiska ng PDEA sa Alabang, Muntinlupa City, ang narekober nilang kontrabando.
Naniniwala ang mga opisyal na tuluyang iniwan ang kotse matapos malamang nasalakay ng PDEA at pulisya ang kanilang lugar sa Muntinlupa City.





Comments