top of page

Iba’t ibang dahilan ng pagkahilo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 22, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Madalas ay nakarara­nas ako ng pagkahilo kaya nababahala ako sa po­sibleng sanhi nito. Hindi naman ako buntis dahil menopause na ako. May­roon bang posibili­dad na problema ito sa mga mata, kung gayun, kinakaila­ngan ko na bang gumamit ng sala­min sa mata? Maaari ba ninyong paki­talakay ang iba’t ibang sanhi ng pagkahilo? — Susie

Sagot

Maraming posibleng dahilan ang pagkahilo, gayunman, kadalasan ay hindi naman ito delikado.

Narito ang mga kara­ni­­wang sanhi ng pagkahilo:

1. Problema sa mga mata — kung malabo na ang mga mata, puwedeng mahilo sa pagbabasa. Kung madalas gumamit ng computer, ito ay nakahihilo rin. Dapat ipahinga ang mga mata at tumingin sa malayo para ma-relax ito, gayundin, maa­aring magpagawa ng salamin sa mata o baguhin na ang grado ng salamin sa mga mata.

2. Problema sa mga tainga — Maaaring ang sakit sa mga tainga ang dahilan ng pagkahilo dahil nasa mga tainga natin ang vestibular system kung saan nagmumu­la ang pakiramdam natin sa balanse at paggalaw. Kung may dumi o impeksiyon sa mga tainga, puwede itong magdulot ng matinding pag­kahilo (vertigo). Ang gamot dito ay ang meclizine 25 mg tablet. Ang ganitong pagkahilo ay tumatagal ng isang buwan o higit pa bago humupa.

3. Presyon ng dugo — Kung mayroong high blood, puwede ring mahilo at mana­kit ang inyong batok. Kapag naman low blood, anemic at maputla, malaki rin ang posibilidad na mahilo ang indibidwal. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.

4. Nerbiyos — Ang mga nerbiyosong tao ay madalas ding mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasasaksi ng nakatatakot na mga bagay ay puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos. Kailangan lang nilang magpahinga at uminom ng pampakalma tulad ng Lexotan 1.5 mg tablet ngunit, kinakailangang magpareseta nito sa doktor.

5. Kulang sa oxygen — Minsan, mayroong mga nahihilo o nahihimatay sa mataong lugar tulad ng Simbahan o rally. Dala ito ng matinding init at pagdagsa ng bilang ng mga tao. Gayunman, kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang pagkahilo.

Tandaan, na mayroon ding mga seryosong sanhi ng pagkahilo. Posibleng ito ay stroke at tumor sa utak. Ang stroke ay nakapagdudulot ng matinding pagkahilo na may kasamang panghihina ng ilang parte ng katawan. Ang tumor naman sa utak ay may kasa­mang matinding sakit ng ulo. Gayunman, makabubuti pa ring magpakonsulta sa doktor upang malaman ang panguna­hing sanhi ng iyong pagkahilo, gayundin nang mabigyan kayo ng karagdagang payo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page