top of page
Pokwang.jpg

Paraan para malunasan ang luga

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 21, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay mayroong dalawang taong gulang na anak. Gusto kong malaman kung bakit kahit araw-araw kong nililinisan ang mga tainga niya ay nagkakaluga pa rin siya? Saan ba ito nanggagaling? — Joy

Sagot

Ang luga o impeksiyon sa mga tainga (otitis media) ang pangunahing sanhi ng pananakit ng mga tainga. Bagaman, ang luga ay karaniwang sanhi ng pagiging iritado ng mga sanggol at bata, maaari pa rin itong makaapekto sa mga matatanda.

Ang impeksiyon sa gitnang bahagi ng mga tainga o ang patlang o espasyo sa likod ng eardrum kung saan ang maliliit na mga buto ay sumasagap sa mga vibration at inihahatid ito sa loob ng mga tainga ay kadalasang kasama ng sipon, trangkaso at iba pang impeksiyon sa respiratory system. Ito ay dahil ang gitnang bahagi ng mga tainga o middle ear ay konektado sa itaas na bahagi ng respiratory tract sa pamamagitan ng maliit na daanan na tinatawag na eustachian tube. Ang mga mikrobyo na nabubuhay sa ilong at sinus ay maaaring umakyat sa tubong ito at makapasok sa middle ear at lalo pang dumarami.

Ang mga matatanda ay puwede ring tamaan ng ganitong uri ng karamdaman subalit, mas madalas magkaroon ng luga ang mga bata. Ito ay dahil sa wala pang sapat na panlaban ang mga sanggol sa mga bacteria na pumapasok sa kanilang mga tainga.

Mainam na dalhin sa doktor ang inyong anak para malaman ang sakit nito. Kapag ito ay impeksiyon, magrereseta ang doktor ng mabisang gamot na angkop para sa kanyang kalagayan.

Gayundin, titingnan ng doktor kung mayroong bara o luga ang mga tainga gamit ang otoscope na mayroong kakayahang umihip ng kaunting hangin sa eardrum. Ang hanging ito ay magpapabalik-balik sa loob ng mga tainga. Kung mayroong luga ang pasyente, ang hangin ay hindi gaanong kikilos.

Maghahanap ito ng posibleng sintomas ng luga gamit ang isa pang uri ng instrumento na tinatawag na tympanometer, gumagamit ito ng tunog at air pressure para malaman kung may luga ang mga tainga.

Kadalasan, virus ang sanhi ng pagkakaroon ng impeksiyon sa mga tainga. Sa kasong ito, hindi makatu­tulong ang pagbibigay ng antibiotics sa pasyente. Kung sa tingin ng dok­tor, base na rin sa history ng pasyente ay bacteria ang sanhi ng impeksiyon, magrereseta siya ng antibiotic.

Kung virus ang sanhi ng luga, kailangang maghintay na mawala ito ng kusa subalit, kung sumasakit ang mga tainga, magrerekomenda ang doktor ng pain reliever tulad ng ibuprofen o paracetamol, mga gamot na magpapababa rin ng lagnat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page