Kompensasyon para sa mga naperhuwisyo ng water shortage!

KASUNOD ng water shortage na naranasan ng ilang mamamayan, kinuwestiyon ni House Assistant Majority Leader Bernadette Herrera-Dy ang maagang paniningil sa mga water consumer sa isang pasilidad na naantala naman umano ang operasyon.
Kung saan sa naganap na pagdinig ng House Oversight Committee on Metro Manila Development sa water crisis, tinukoy ang Cardona Treatment Plant na bahagi ng business plan ng Manila Water noong 2008.
Gayunman, makapagbibigay sana ang planta mula sa Laguna Lake ng 100 million litro ng tubig kada araw, subalit, nagsimula lamang ang partial operation nito noong March 14, walong araw matapos maranasan ang water shortage.
Samantala, inamin ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na kasama sa binabayaran ng consumers ang naturang planta na hindi naman napakinabangan noong mga nakaraan araw kung saan marami ang nawalan ng tubig at nahirapan. ‘Yun lang!
Kapag bayaran ng tubig o kuryente, napakabilis ang paniningil dahil kung hindi, puputulan agad, pero kapag serbisyo nila, palagi nalang palpak o mayroong aberya.
‘Yan ang nakaiinis sa Pilipinas kaya tuloy, luging-lugi tayo!
Ang nakalulungkot pa, napakababa ng kinikita ng mga Pilipino, pero ang halaga ng mga bayarin ay OA sa pagkamahal. Jusko!
Dagdag pa rito, bakit palaging ang senaryo na kung kailan lang nagkaroon ng krisis ay saka lang kikilos o gagawa ng paraan para masolusyunan?
Nasaan na ang mga nanumpa sa bayan?!
Gising-gising din ‘pag may time! Huwag hayaang makalusot ang mga ‘yan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments