Bumabang resulta ng NAT ng mga mag-aaral, bigyang-pansin!
- Win Gatchalian
- Mar 21, 2019
- 2 min read

PAGTUNTONG ng Abril, muli na namang magiging abala ang mga guro sa pagsasagawa at pagtatapos ng kanilang teaching requirements.
Sa pagsisimula ng kanilang klase noong Hunyo 4 nang nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan ay nakabuo ang mga mag-aaral ng 200 araw sa paggugol sa pag-aaral sa klasrum, mahalagang makita ang mga naging epekto sa kaalaman at kasanayan ng mga estudyante upang malaman kung may kailangang aksiyunan para sa susunod na taon.
Anumang programa na isinasagawa ng gobyerno tungkol sa edukasyon ay dapat dumaan sa mga pagsusuri matapos itong maipatupad tulad na lamang ng resulta ng National Achievement Test (NAT), kalidad ng pagtuturo at estado ng K-12 kurikulum.
Kamakailan ay nagsagawa tayo ng pagdinig sa Senado tungkol sa katayuan ng sistema ng edukasyon sa bansa upang masuri kung mabisa pa rin ang mga kasalukuyang batas at polisiya sa sektor ng edukasyon.
Ang resulta ng NAT ay mabisang instrumento na makapagsasabi kung naging epektibo nga ba ang kurikulum ng K-12 program maging ang pagtuturo ng mga guro at iba pang aspeto sa basic education.
Base sa estatistikang inilabas ng Department of Education (DepEd), mababa ang mga score ng mga mag-aaral sa NAT kung saan ang Grades 6 at 10 student ay nakakuha ng mababa sa 50 (100 ang pinakamataas) noong School Year 2016-2017.
Ipinaliwanag ng DepEd na ayon sa grading scale, ang mga estudyante ay nagpapakita ng mababang proficiency sa kanilang pagkaunawa sa mahahalagang aralin tulad ng Science, English at Math.
Ayon naman sa Global Competitiveness Index (GCI) ng World Economic Forum, ang Pilipinas ay pang-66 sa Global Competiveness Report Ranking sa kabuuang 137 bansa noong School Year 2017-2018 o 52% sa percentile rank sa kategoryang Quality of Primary Education.
Nangangahulugan ito na ang bansa ay nasa Top 48% sa ibang mga bansa pagdating sa kalidad ng primary education.
Mas mababa ito kumpara sa 75 ranggo sa kabuuang 138 bansa noong School Year 2016-2017.
Alam nating kapag mas mataas ang percentile score ay indikasyon ito na mas mabuti ang katayuan ng bansa.
Sa kabila ng ulat na ito, patuloy nating pag-aaralan ang pamamaraan at prosesong pinagdaanan ng mga estudyante gaya ng mga programa at proyekto tulad ng Education Policy and Development Program, Basic Input Program, Inclusive Program at Support to Schools and Learning Program.
Titingnan ang kontribusyon ng budget sa mga paaralan, learning center, human resource at school resource upang magkaroon ng competitive advantage ang sistema ng edukasyon.
Inaasahan nating ang mas tutok na atensiyon at paghahanap ng solusyon ng DepEd at iba pang educational agencies at organizations sa kanilang pakikipagtulungan sa mga mambabatas upang mapataas ang puntos sa NAT.
Higit sa lahat, upang makagawa ng mekanismo at polisiya para sa pagpapalakas ng sistema ng basic education sa buong bansa.
Abangan ang karagdagang updates sa mga susunod pa nating pagdinig.
Umasa tayong lahat naman ng sektor, pribado o pampubliko man ay nagnanais na maisaayos ang de-kalidad na sistema ng edukasyon dahil ito ang sagot sa maginhawang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino kasama ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
תגובות